Labimpitong katao, kabilang ang nangungunang drug personality sa drug watch list, ang inaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa Quezon City mula Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng umaga.
Kabilang sa mga inaresto ay si Bong Lichauco, 47, ng Payna Street, Barangay Veterans, sa ikinasang buy-bust operation, bandang 5:00 ng hapon kamakalawa.
Kilala sa alyas na “Bong Demonyo,” kilala umanong tulak ng droga ang mekaniko at No.1 sa drugs watch list ng Masambong Police Station.
Inaresto siya ng mga operatiba matapos niyang iabot, sa halagang P500, ang isang pakete ng hinihinalang shabu sa isang undercover agent.
Dakong 8:00 ng gabi, inaresto ng drug enforcement unit ng Novaliches Police Station sina Ronald Deleña, 40; Marvin Roxas, 47; at Margie Soliman, 25, sa ikinasang operasyon sa Gen. Luis St., Bgy. Nagkaisang Nayon.
Nagbenta umano ang tatlo ng limang maliiit na pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P500, ayon sa pulis.
Samantala, sa pagpapatrulya ng Talipapa police, naaresto ang 11 residente ng Crame St., Nawasa Side sa Bgy. Pasong Tamo nang mahuli silang nagsa-shabu, bandang 9:30 ng gabi. Nakuha sa kanila ang apat na pakete ng shabu at ilang drug paraphernalia.
Dinakma naman sina Emmanuel Miraran, 43, at Arthur Brazil, 39, makumpiskahan shabu ng Galas police sa Bgy. Tatalon, dakong 11:15 ng gabi nitong Huwebes at 12:20 ng madaling araw nitong Biyernes, ayon sa pagkakasunod.
Nakatakdang sampahan ang mga nahuling suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)