Nagdaos ng lightning rally ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Mendiola, Maynila kahapon at hinikayat ang kabataan na sumapi sa kilusan.
Sinimulan bandang 8:30 ng umaga, nagmartsa ang mahigit 100 raliyista — na pawang nakasuot ng pulang T-shirt at natatakpan ang mukha — mula sa harap ng Loreto Church sa Bustillos, Sampaloc hanggang sa Mendiola.
Habang sila’y naglalakad, hindi magkamayaw ang mga NPA member sa pamimigay ng papel at hinikayat ang kabataan na sumapi sa kilusan.
Ayon kay Liliosa Sumilang, tagapagsalita ng grupo, ang kanilang pagkilos ay kaugnay ng matagumpay na pagdaraos ng ikalawang kongreso ng CPP simula nang ito ay itatag.
Matapos ang halos 20-minutong programa, agad ding nagpalit ng damit ang mga raliyista at nilisan ang Mendiola.
(Mary Ann Santiago)