SA nalalapit na peak season ng tag-init, sinimulan na ng Arts, Culture and Tourism Office ng Naga City ang pag-iinspeksiyon sa mga pasilidad para sa mga turista at ang pagsasanay sa mga empleyado ng pasilidad bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga turista mula sa Abril hanggang Mayo.

Inihayag ngayong buwan ni Alec Francis Santos, hepe ng Arts, Culture and Tourism Office ng Naga City, na nagsimula na ang pag-iinspeksiyon sa lahat ng mga establisyemento na nag-aalok ng mga serbisiyo sa mga bisita ng lungsod, mula sa maliliit na pension house hanggang sa malalaking hotel, partikular ang mga pasilidad na may swimming at iba pang recreational amenities na nangangailangan ng maraming tubig.

Sinabi rin ni Santos na nagkakaroon ng regular na pag-iinspeksiyon ang Arts, Culture and Tourism Office, o kada tatlong buwan, sa tulong ng ibang mga ahensiya at mga tanggapan sa city hall, kabilang ang Bureau of Fire Protection, City Engineer’s Office, City Health Office, at Philippine National Police.

“We go around every quarter, especially prior to the peak season (which is summer), as we want to ensure the establishments are compliant in terms of facilities and personnel,” sabi ni Santos.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ibinahagi ni Santos na natuklasan nila na halos lahat ng establisyemento sa Naga City, na nag-aalok ng accommodation para sa mga turista, ay tumalima sa istriktong lokal at pambansang regulasyon.

Idagdag pa, na kung mayroon mang hindi sumunod sa patakaran, naging “minor” lang ang ganitong insidente.

Binanggit niya rito ang hindi pagpapaskil ng kanilang mga permit o “sa larangan ng kalinisan, ilang empleyado ang hindi gumagamit ng yellow o health cards, partikular na silang nangangasiwa sa paghahanda ng pagkain.”

Sinabi ni Santos na ang mga kawani ng mga establisimyento na naghahanda ng pagkain ay inaatasan ng batas na magsuot ng kanilang health card sa lahat ng oras.

Aniya, ang health card ay magsisilbing patunay na sumailalim ang isang kawani ng establisyemento sa inoobligang pagsusuring pangkalusugan at kumpirmadong walang nakakahawang sakit.

Magsasagawa rin ang Arts, Culture and Tourism Office ng mga pagsasanay sa first aid, water safety at rescue operation para sa mga empleyado na nagbabantay sa swimming pool at sa iba pang mga kaparehong pasilidad.

Tuwing Mayo, Setyembre, at Disyembre naitatala ang pinakamaraming bumibisita sa Naga City, ayon sa Arts, Culture and Tourism Office.

Sinabi ni Santos na ang bilang ng mga turistang bumibisita sa Naga City ay tuluy-tuloy na nadadagdagan sa nakalipas na apat na taon, o mula 2013 hanggang 2016.

Ayon sa datos ng Arts, Culture and Tourism Office, simula sa 859,743 turista noong 2013 ay dumami na ang naitalang bisita sa 1,209,202 noong 2016.

“In 2014, the number of tourists who visited the city reached 947,808 and in 2015, the number had breached the one-million mark at 1,057,172 tourists,” sabi pa ni Santos. (PNA)