VICTORIA, Tarlac - Nabulabog ang lamayan sa Barangay Balayang sa Victoria, Tarlac makaraang magsaksakan ang dalawang lalaki na ikinamatay ng isa sa kanila, madaling araw nitong Miyerkules.
Dahil sa naturang insidente, pinaglalamayan na rin ngayon si Violeto Bañaga, Jr., 46 ,may asawa, makaraang mapatay ni Roniel Mendoza, 27, binata, kapwa taga-Bgy. Balayang.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO3 Sonny Villacentino, bandang 2:50 ng umaga at nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kaibigan habang naglalaro naman ng baraha sa hindi kalayuan ang suspek sa isang lamayan nang magkatitigan at magkasigawan ang dalawa.
Ang kumprontasyon ng dalawa ay nauwi sa pananaksak ni Mendoza kay Bañaga.
Kaagad namang naaresto ang suspek ng mga rumespondeng pulis. (Leandro Alborote)