ILAGAN CITY – May lugar ang National athletics team maging sa isang ina na tulad ni Christabel Martes.
Naghihintay ang posibilidad na muling maging bahagi ng koponan ang dating SEA Games ‘Marathon Queen’ nang angkinin ang unang gintong medalya na nakataya sa opening day ng 2017 Ayala- Philippine National Open Invitational Athletics Championships kahapon sa Ilagan City Sports Complex dito.
Nakopo ng two-time Southeast Asian Games gold medalist at 37-anyos na si Martes ang gintong medalya sa women’s 10,000-meter run, sapat para mapalakas ang kampanya na muling magsuot ng RP uniform.
Ipinahayag ni Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella ‘Popoy’ Juico na bahagi ang Open sa pagpili ng mga miyebro ng Philippine squad na isasabak sa 29th SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto.
Nailista ni Martes, napahinga ng ilang taon bunsod nang pagiging ina, ang tyempong 38 minuto at 40.52 segundo, habang bumuntot ang kababayang sina Jho-An Villarma ng Philippine Army (40:20.58) at Miscell Gilbuena ng Philippine Air Force (42:43.75).
Umagaw din ng atensiyon sa torneo na itinataguyod ng City of Ilagan, sa pakikipagtulungan ng Ayala Corporation, MILO, Philippine Sports Commission at International Amateur Athletics Federation (IAAF) sina Albert Mantua ng RP Team-City of Ilagan, Immuel Camino ng Philippine Air Force at Christian Dave Geraldino ng Mapua.
Nakopo ni Mantua, ginagabayan ni dating SEA Games record holder Arniel Ferrera, ang ginto sa men’s shot put sa layong 14.90 metro, habang sumegunda si Ronmols Andawa ng Jose Rizal University (14.14 metro) kasunod si Cris Paulo Haluber ng Mapua (12.13 metro).
Naungusan naman ni Camino, produkto ng Arellano University, si SEA Games’ two-time gold medalist Christopher Ulboc sa men’s 3,000-meter steeplechase sa tyempong 9:33.65. Naitala rin ang sweep ng Pinoy sa naturang event nang bumuntot sina Jomar Angus ng RP Team-City of Ilagan (9:50.17) at Ike Jumao-as ng Mapua (9:54.22).
Hindi natapos ni Ulboc, kampeon sa SEAG noong 2013 at 2015, ang karera nang magbalik ang injury sa kanang pige.
Natalon naman ni Geraldino ang boys high jump sa 1.89 metro para gapiin sina Ryan Teo ng Singapore (1.86) at Gilbert Codera ng San Beda (1.80).
Nakasingit naman si Felisberto de Jesus ng Timor Leste sa kasiyahan ng local bet matapos pagwagihan ang boy’s 3,000-metr steeplechase sa tyempong 9:45.83.
Ngunit, nakasentro ang selebrasyon kay Martes.
“Talagang nagensayo akong mabuti. Gusto ko pang maglingkod sa RP team,” sambit ni Martes, napahinga ng mahabang panahon para alagaan ang 10-taong anak na babae at mag-aral ng culinary arts sa Baguio City.
“Kung makakasama pa ako sa team, malaking pasalamat ko,” pahayag ni Martes, may hawak ng national record na 34:40.3 sa women’s 10,000-meter run na naitala niya noong 2001.
[gallery ids="234482"]