NAIS ni Pangulong Digong na ipagpaliban muli ang barangay elections na nakatakda sanang idaos sa Oktubre. Ayon kay DILG Secretary Ismael Sueno, aalisin ng Pangulo ang lahat ng opisyal ng barangay at hihirangin niya ang kanilang kapalit. Pinatagal lang daw sila sa kanilang mga posisyon nang i-postpone ang halalan noong nakaraang taon, at dahil natapos na ang kanilang termino, puwede nang ideklarang bakante ang mga ito. Ang ihahalili ng Pangulo, ayon mismo sa kanya, ay ang mga taong hindi sangkot sa ilegal na droga.
Ang planong ito ng Pangulo, sabi ni Sueno, ay para linisin ang mga barangay mula sa mga barangay officials na corrupt at sangkot sa droga. Hindi, aniya, ito para suportahan ang Pangulo kundi para sugpuin ang droga at corruption.
Kumalat na ang giyera ng Pangulo laban sa droga at krimen. Pati halalan na itinatakda ng batas ay pinakikialaman na rin. Mayroon tayong korte kung saan pwedeng dito papanagutin ang mga opisyal ng barangay. Kapag napatunayang nagkasala sila ay puwedeng patalsikin sa serbisyo. Maaaring ang taumbayan mismo ang gumawa nito sa isang halalan. Ang problema, kung paano tinatrato ng Pangulo ang mga gumagamit at tulak ng droga, ganito rin niya tinatrato ang mga opisyal ng barangay. Siya na rin ang tagausig at hukom. Inilalagay niya sa kanyang kamay ang pagdi-dismiss sa mga taong iniluklok ng taumbayan sa kani-kanilang posisyon. Hindi komo inihalal ang Pangulo ng mamamayan ay sapat na itong dahilan upang balewalain ang batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa mamamayan na piliin ang kanilang mga opisyal sa kanilang mga barangay.
Malamang na gamitin ng Pangulo, kung sakaling matuloy ang kanyang pagnanais, ay ang makapal na listahan ng mga taong sangkot sa droga na ang karamihan, ayon sa kanya, ay mga opisyal ng barangay. Eh, ipinagawa niya at inilabas ito ng mahigit anim na buwan na siyang nakaupo na lumagpas na sa panahong ipinangako niya na susugpuin niya ang krimen at... ilegal na droga. Kailangan niya ang listahan para masuportahan ang kanyang dahilan na hindi siya makatutupad sa pangako niyang sugpuin ang krimen at droga sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan dahil nang mangako siya ay hindi niya alam na ganito kalaki at kalawak ang problema na ipinakikita ng nasabing listahan.
Gayunman, ang listahan ay hindi aangat sa kategorya ng tsismis. Madaling magtanggal ng opisyal na walang kalaban-laban. Pero napakahirap namang panaligan ang listahan. Sa katunayan, may mga inaalis na sa listahan dahil walang batayan ang pagkakasama ng kanilang pangalan. Unti-unti nang inaagaw ni Pangulong Digong ang kapangyarihan ng sambayanan. (Ric Valmonte)