PINAIYAK at pinahanga ni Glaiza de Castro ang mga sumusubaybay sa Encantadia sa episode last Tuesday, sa eksenang nalaman niyang patay na ang anak niyang si Mira (Kate Valdez). Ang husay-husay ni Glaiza sa eksenang ‘yun, grabe ang panaghoy niya sa pagkawala ng anak, kaya ang viewers, hindi napigilang umiyak din.
Matagal nakapag-move on ang iba sa eksena ni Pirena (Glaiza) habang kalong si Mira at umiiyak na may kasamang panaghoy. Ang iba’y parang nagtaka pa kung paano nagawa ni Glaiza nang mahusay ang eksena gayong hindi pa siya ina at wala pang anak.
Pero para sa mga nakakakilala kay Glaiza, hindi na kataka-taka ang ipinakita nitong acting dahil noon pa man, kahit anong role ang ibigay sa kanya ay mahusay niyang nagagampanan.
Ang hinihintay ngayon ng Encantadiks ay ang pagkikita nina Pirena at Asval (Neil Ryan Sese) na siyang pumatay kina Mira at Lira (Mikee Quintos). Makikita ang bangis ng pagganti ni Pirena sa mga susunod na episode.
Samantala, magpapahinga muna sa taping ng fantaserye si Glaiza dahil ngayong Huwebes, lilipad siya papuntang Singapore para manood bukas ng concert ng Coldplay. Regalo ni Angelica Panganiban ang tiket niya sa concert pati na ang tiket sa kapatid niyang si Alcris Galura.
“Ito na ang pinakabonggang gift ng aking amiga sa akin. Nagulat nga ako dahil noong una, parang napag-usapan lang namin. ‘Tapos, sabi ko, naku, amiga, parang hindi ko yata kakayanin. Baka kasi may taping ng Encantadia, so, hindi pa ako sure,” sabi ni Glaiza.
VIP ticket ang binili at iniregalo ni Angelica kina Glaiza at Alcris. Hindi na inalam ni Glaiza kung magkano ang tiket. Hindi na rin lang ang concert ng Coldplay ang habol niya, pati na ang oras na maka-bonding si Angelica at si Ketchup Eusebio. First out of the country trip ito ng magkakaibigan.
“Ang airfare at accommodation, ako na ang nagbayad. Parang nakakahiya naman sa kanya kung lahat ipasasagot ko, di ba? Hanggang April 2 kami sa Singapore,” kuwento ni Glaiza. (Nitz Miralles)