MATAGAL nang nababanggit ni Rep. Vilma Santos na sana ay magkaroon na siya ng apo. Sa ngayon daw kasi, pawang aso ang mga alaga nila ni Sen. Ralph Recto.

Kinausap na nga raw niya ang kanyang panganay na si Luis Manzano hinggil dito. Ayon naman kay Luis, puwede namang pagbigyan ang kahilingan ng kanyang ina, pero huwag naman daw agad-agad.

May tamang panahon naman daw para rito. At hindi dapat madaliin.

“Siyempre, sa tamang panahon naman. Ako kasi naniniwala na hangga’t maaari, kapag kasal na kayo, doon lang dapat maganap ang pagkaroon ng baby. Kaya siyempre, kasalan muna bago baby,” sabi ni Luis.

Jericho, umaming jowa na si Janine sa lamay ni Pilita

So, kailan naman magaganap ang kasalan na ‘yun?

“Sabi ko nga, darating din naman tayo d’yan. Kailangan kasing planuhin ang bagay na ‘yan at hindi dapat padalus-dalos,” matipid na tugon ng premyadong TV host.

Samantala, kilala si Luis na pumapatol sa bashers. Kapag may nababasang “foul” sa bashers, hindi umaatras si Luis, pinapalagan talaga niya.

“Sa totoo lang, ang mga ‘yan, eh, duwag naman sila. ‘Pag pinatulan mo na, biglang natameme. Naduduwag talaga,” sey pa ni Luis.

Napipikon kasi si Luis sa kung anu-anong panghahamon at kung anu-anong itinatawag sa kanya ng bashers.

Pero kapag sinasagot na niya, biglang nananahimik.

“Kilala n’yo ako, kapag asaran ang labanan, eh, hindi ako papatalo,” lahad pa ng anak ni Congresswoman Vilma Santos-Recto.

As of press time, nagbabakasyon sa Japan si Luis kasama ang kasintahang si Jessy Mendiola. Sa isang linggo ay susunod sa kanila doon sina Ate Vi, Sen. Ralph at Ryan Christian. (Jimi Escala)