Magkakasunod na inaresto ang siyam na suspek sa droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Maynila, iniulat kahapon.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD), unang inaresto si Jaymee Ramirez, 40, ng Makati City, na kilala umano sa pagbebenta ng shabu sa U.N. Avenue sa Ermita.

Dakong 8:00 ng gabi kamakalawa nang arestuhin ng mga tauhan ng MPD-Station 5 si Ramirez matapos umano niyang bentahan ng P200 halaga ng shabu ang isang pulis sa Ma. Orosa Street.

Makalipas ang mahigit apat na oras, dakong 12:45 ng madaling araw kahapon, inaresto ng mga tauhan ng MPD-Station 9, sina Jeffrey Ramos, 18; Benedicto Dizon, 21; Ramon Palmos, 22; Ellen Jusico, 38; at Khaysee Semblante, 27, sa isang anti- criminality operation sa Leveriza St.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakumpiska sa kanila ang limang plastic sachet ng umano’y shabu.

Samantala, bandang 3:40 ng madaling araw nang damputin sina Teoderico Rosario, 50; Dennis Gayun, 38; at Raymund Olidan, 34; sa Leveriza St., nang makuhanan ng tatlong plastic sachet ng “shabu”.

Ang siyam na suspek ay pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mary Ann Santiago)