290317_benham rise-3 copy

Iginiit kahapon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. sa pagdinig ng Senate committee on economic affairs at committee on finance na walang banta mula sa ibang bansa na angkinin ang Benham Rise.

Sinabin ni Esperon na sa ngayon ay wala pang banta ng pag-angkin ng iba sa Benham Rise, at maging ang Ministry of Foreign Affairs ng China, aniya, ay nagpahayag na kinikilala nito ang soberanya ng Pilipinas sa Benham Rise, na malapit sa Aurora at Isabela at sakop ng exclusive economic zone (ECZ) ng bansa.

Natuklasan din sa pagdinig na dalawang beses na nagpaabot ng mensahe ang China sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsasagawa ito ng pananaliksik sa lugar, na pinaniniwalaang may mga nakaimbak na methane gas na maaaring pagkuhanan ng power supply.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sinabi ni Maria Lourdes Montero, officer-in-charge ng Maritime and Ocean Affairs Office (MOAO) na nasa ilalim ng DFA, na taong 2015 at 2016 nag-apply ang China para manaliksik sa Benham Rise.

“And so far, with respect to the request referring to the Benham Rise area we have received in 2016 and 2015, this request has been denied based on the consensus of the agencies involved,” ani Montero.

“I don’t see any potential claim in the near future,” sabi naman ni Esperon.

Dagdag pa ni Esperon, maaaring mangisda ang ibang bansa sa Benham Rise kung papayagan ito ng ating gobyerno at puwede ring dumaan ang mga barko doon alinsunod sa “freedom of navigation” at “innocent passage”, ngunit hindi maaaring saliksikin ang pusod ng karagatan.

Bagamat nilinaw na walang banta ng pag-angkin sa Benham Rise, iminungkahi ni Esperon ang paggamit ng mga satellite para magsagawa ng monitoring sa lugar.

“When you have an EEZ (exclusive economic zone) that is as big as what we have, then we would require to be able to have awareness of everything that’s going there,” sabi ni Esperon. “We have our Nomad (planes) which are giving us some good pictures but we don’t even have satellites. We are one big country with a big EEZ that doesn’t have image satellites much more communication satellites.”

Sumang-ayon naman kay Esperon si Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on economic affairs sa pagsasagawa ng masusing monitoring sa Benham Rise.

Ginawa ng Senado ang pagdinig kaugnay ng pagtatatag ng Benham Rise Development Authority (BRDA) na mangunguna para mapangalagaan ang lugar. (May ulat ng PNA) (LEONEL M. ABASOLA)