ISANG malaking event ang ikinakasa ngayon ni Mayor Peter Miguel sa Koronadal City: ang 2017 National Motorcycle Convention.
Ito ay gaganapin sa nasabing siyudad, sa darating na Abril 28-30, at inaasahang dadagasa ang libu-libong motorcycle rider mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ngayon pa lamang, todo na sa paghahanda ang mga motorcycle group para sa kanilang pagdayo sa Koronadal City. Isa na rito ang Adventure Team Philippines, Inc. na pinangungunahan ni Francis Rivera.
Isang buwan na lamang ang nalalabi upang makapaghanda ang mga rider sa kanilang pagtungo sa malaking pagtitipon na ito. Siyempre, inaasahan na pabonggahan sa motorsiklo ang mga dadalo.
Kabilang sa kanilang paghahanda ay ang pagkuha ng reservation sa mga RO-RO facility kung saan isasakay ang kanilang big bike.
Dagsa na rin ang reservation sa mga hotel sa Koronadal City at karatig lugar nito.
Ayon kay Mayor Peter, makikibahagi si Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing national bike meet. Si Pangulong Duterte ay isang motorbike enthusiast at sa katunayan, kabilang siya sa mga nagtatag ng On Any Sunday Riders club na nakabase sa Davao City.
Tiniyak ni Mayor Peter na may sapat na pasilidad ang Koronadal upang maging maginhawa, maligaya at makabuluhan ang pagbisita ng mga rider sa kanilang siyudad.
Iba’t ibang aktibidad ang ikinasa ni Mayor Peter para sa bike convention. Mababanggit na halimbawa ang custom bike competition, off road adventure, biker babe contest, at siyempre, ang cultural presentation na naging tatak na ng Koronadal maging sa ibang bansa.
Batid sa kaalaman ng mga mamamayan, hindi na bago kay Mayor Peter ang mag-organisa ng malalaking pagtitipon tulad nitong bike convention. Noong 2015, tumayong punong-abala si Mayor Peter sa isang malaking cultural dance presentation na nilahukan ng mga delegado mula sa 10 bansa.
Ang nasabing okasyon ay suportado ng International Council of Organizations of Folklore Festivals. Dahil sa puspusang paghahanda ng pamunuan ng Koronadal, walang masamang insidente na nangyari at naging matumpay ang presentasyon.
Sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa Region 12, umaasa si Mayor Peter na magiging maayos at mapayapa rin ang national bike meet.
Sa kanyang pakikipag-usap kay Boy Commute, inihayag ng alkalde ang kumpirmasyon ng Guinness World Record na darating ang mga kinatawan nito sa bike convention.
Aniya, tatangkain ng mga biker na magtala ng bagong world record sa pinakamahabang convoy ng motorsiklo, pinakamaraming participant at pinakamahabang oras ng pagbusina.
Sa mga kapwa rider, sasama ba kayo? (ARIS R. ILAGAN)