Bagamat sinusuportahan niya ang pagpapaliban sa barangay elections, nagpahayag ng pagtutol si Vice President Leni Robredo sa pagtatalaga ng 42,000 opisyal sa mga barangay.
Sinabi ni Robredo na “step backward” ang pagtatalaga ng officers-in-charge sa mga mababakanteng posisyon.
Nagbabala ang Bise Presidente na ang planong pagtatalaga ng OICs ay magtataguyod lang ng political patronage.
“It’s like we’re just going to go back to the time when barangay officials were beholden to the powers that be.
They’ll engage to patronage in order to be appointed,” sabi ni Leni.
Ayon kay Robredo, maaaring makompromiso lang ang kalayaan ng barangay officials na itatalaga.
“What we want to remove is the too much dependence of barangays to politicians,” sabi niya.
Sinabi ng biyuda ng dating mayor ng Naga City at Interior Secretary Jesse Robredo na dapat maging “apolitical” o walang pulitika ang konsepto ng barangay.
“If they are appointed, first they would get close to those who would recommend. It is like the (village) captains are being held in their neck,” sabi ng Bise Presidente.
Naghain ng panukalang batas si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang House Bill 5359, na magpapaliban sa barangay elections hanggang sa 2020 at tatapos sa tungkulin ng kasalukuyang mga opisyal ng barangay na papalitan ng appointees ni Pangulong Duterte.
AUTHORITARIAN, PALAGAN
Samantala, iginiit ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., miyembro ng 1986 Constitutional Commission, na nag-draft ng 1987 Constitution, na hindi maaaring basta italaga lang ng presidente ang isang barangay captain.
Kasabay ito ng kanyang pahayag na ang panukala ay senyales, aniya, ng pagiging “authoritarian” ni Duterte.
Ayon kay Bacani, sa barangay nag-uugat ang “elementary democracy” ng lipunan dahil dito unang nagagamit ang kapangyarihan sa pagpili at paghahalal ng taumbayan ng kanilang magiging pinuno.
“Nagiging authoritarian na tayo, dahan-dahan ‘yan, ‘yan ang gripping authoritarianism, dinadahan-dahan ang mga mamamayan. Mapapansin mo ‘yan, ang mga tao dahan-dahang itinutulak, at ang mga tao kung basta-bastang papayag na lang, bandang huli ay diktador ang lilitaw sa ating presidente,” ayon pa kay Bacani.
(Raymund Antonio at Mary Ann Santiago)