NAGDESISYON ang Department of Education na gawin ang bahagi nito tungkol sa isang lumalalang problemang pangkalusugan sa bansa. Nagpalabas si Education Secretary Leonor Briones ng memorandum nitong Marso 17 upang isulong ang pangmatagalang benepisyo ng pagkakaroon ng wastong diet at itaguyod ang pagkonsumo ng masusustansiyang pagkain ng mga estudyante, mga guro at mga kawani ng kagawaran.
Ipinagbabawal na ngayon ang matataba, matatamis at maaalat na pagkain sa mga kantina sa mga pampublikong paaralang elementarya at sekundarya sa buong bansa, kabilang ang soft drinks, powdered juice drink, fishballs at iba pang piniritong pagkain. Sa halip, inoobliga ang paghahain ang masusustansiyang alternatibo gaya ng gatas, buko juice, nilagang mani at saging.
Sa isang workshop kamakailan, hinimok ng World Health Organization (WHO) ang mga bansa na limitahan ang pagbebenta ng mga hindi masusustansiyang pagkain sa mga eskuwelahan kasabay ng pagtiyak na may mabibiling masustansiyang alternatibo. Tinukoy ang United States sa pagkakaroon ng maraming obese, partikular na ang mga bata, dahil sa mataas na antas ng asukal sa pagkain ng mga ito.
Ayon sa pag-aaral ng gobyerno ng Amerika noong 2012, mayroong 700,000 pagkamatay dahil sa sakit sa puso, stroke at diabetes. Sa pag-aanalisa rito at sa iba pang mga survey, tinukoy ang ilang pagkain na iniuugnay sa dahilan ng mga pagkamatay. Ang labis na konsumo ng asin ang sinasabing pinakamalaking problema, dahil nakapagpapataas ito ng presyon ng dugo, kasama na ang labis na pagkain ng naprosesong karne at pagkonsumo ng matatamis na inumin. Inirekomenda ng pag-aaral ang masusustansiyang pagkain, gaya ng prutas, gulay, mani at nuts at seeds, whole grains, polyunsaturated fats, at lamang-dagat.
Sa Pilipinas, natukoy ng National Nutrition Survey ng Food and Nutrition Research Institute noong 2014 na maraming bata ang kung hindi kulang sa timbang ay labis naman ang bigat. Sinisisi rito ang pagkonsumo nila ng maraming hindi masusustansiyang pagkain.
Ang tahanan ang dapat na sentro ng kampanya sa pambansang nutrisyon, ngunit may malaking papel din ang mga eskuwelahan, hindi lamang sa pagtuturo sa loob ng silid-aralan kundi maging sa pagkaing inihahain sa mga kantina ng paaralan. Sa kanyang memorandum ngayong buwan, nagpasya si Education Secretary Briones na magiging malaki ang bahagi ng mga pampublikong eskuwelahan sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng kalusugan ng buong bansa.