NANG matunghayan ko ang nakalululang kayamanan ng ating mga bilyunaryong negosyante na hindi na natin iisa-isahing pangalanan, kaagad kong inisip na walang dahilan upang kapusin ang buwis na nililikom ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Lalo na nga nang tiyakin ng naturang ahensiya ng gobyerno na ang kinikita ng naturang mga bilyunaryo ay ipinagbabayad naman ng buwis; ang ilan sa kanila ay nakahanay sa pinakamayayaman sa mundo.

Walang alinlangan na ang nabanggit na mga bilyunaryong negosyante ay may malaking naiaambag sa pagsusulong ng ating ekonomiya. Ang mga buwis mula sa pinamamahalaan nilang mga korporasyon – mall, oil industry, konstruksiyon at iba pa – ay maituturing na dugo at buhay sa pagpapakilos ng ating bansa. Kabilang na rito ang pagbibigay ng pagkakataon sa ating lakas-bisig o manpower na naghahanap ng mapapasukan; kaagapay sila ng pamahalaan sa paglutas ng problema sa kawalan ng trabaho o unemployment crisis, bagamat may pagkakataon na ang ilan sa kanila ay nagiging balakid sa maayos na implementasyon ng ating mga batas sa paggawa.

Gayunman, hindi ko napigilang magkibit-balikat nang matunghayan ko rin na ang nabanggit na mga Filipino billionaires ay tila hindi nangunguna sa 2014 list na top 500 individual taxpayers. Hindi ba dapat na ang kanilang bilyun-bilyong dolyar ay sapat nang dahilan upang sila ay tanghaling kampeon, wika nga, sa pagbabayad ng buwis?

Hindi maiaalis na tayo ay magtaka kung bakit higit na malaki pa, halimbawa, ang income tax na ibinayad ng ating mga tanyag na artista, sikat na atleta at iba pang negosyante sa iba’t ibang larangan ng industriya. Tila kapani-paniwala na may mga kababalaghan sa pagbabayad ng buwis. Biglang sumagi sa aking utak ang paboritong linya ng isang kapwa-mamamahayag: Kung gusto mong ‘makatipid’ sa pagbabayad ng buwis, kumausap ka ng isang maparaang accountant.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Subalit may maagap na pagpapaliwanag ang opisyal ng BIR hinggil sa sinasabing pinagdududahang sistema ng pagbabayad ng buwis, lalo na ng income tax. Pinatunayan nito na ang mga bilyunaryong negosyante ay nagbabayad ng higit na malaking buwis ngunit hindi na ito ipinakikita sa kanilang mga income tax return (ITR); nakasaad lamang sa ITR ang kanilang suweldo at allowances na kanilang tinanggap mula sa pag-aari nilang mga kumpanya.

Sa kabila ng gayong mga paglilinaw, hindi dapat tumigil o magpabaya ang BIR sa paglikom ng mga buwis; natitiyak ko na marami pa ring tax delinquent na marapat singilin. Kabilang na rito ang Mighty Corp. at iba pang kumpanya ng sigarilyo at iba pang industriya.

Hindi dapat tigilan ang paghahabol sa mga taxpayers na nahirati na sa pagyakap sa mga kababalaghan o mahimalang pagbabayad ng buwis. (Celo Lagmay)