KAHIT super busy sa pagdidirek si Binibining Joyce Bernal sa bago niyang teleserye sa GMA-7 na pagbibidahan nina Jennylyn Mercado at Gil Cuerva ay abala rin siya sa editing ng mga pelikula kasama na ang Northern Lights: A Journey to Love na isa rin siya sa producers under Spring Films.
“Grabe, hindi na nga ako makahinga sa rami, pero okay ‘yun kasi blessings,” kuwento ng petite na direktor.
“Makikipag-meeting ako sa Regal Entertainment, kina Mother (Lily Monteverde) at Ms. Roselle (Monteverde-Teo) para sa movie nina Paolo Ballesteros at Derek Ramsay, gusto ko ‘yung concept kasi action-comedy, type ko, pag-uusapan pa lang namin kung paano at kung kailan.
“’Tapos uupuan ko rin ‘yung Piolo (Pascual)-Toni (Gonzaga) movie under Star Cinema. Actually co-prod ‘yun ng Spring films, ako rin magdidirek. Siyempre romantic comedy ‘yun tiyak, pero wala pa akong alam, hindi pa napi-present sa akin kung ano ang istorya.”
Sabi namin, pressure sa kanya ang pagdidirek kina Piolo at Toni dahil ang unang tambalan nilang Starting Over Again (2014) na idinirek ni Olive Lamasan ay kumita ng mahigit sa P410M nationwide.
“Oo nga, sobrang nakaka-pressure talaga,” sang-ayon ni Direk Joyce.
May indie films din siyang ginagawa at sa katunayan ay parte siya sa pelikula nina Bela Padilla at Jericho Rosales.
“Ako rin nag-edit no’n, actually, kami-kami rin kasi ang magkakasama kaya dami kong ginagawa talaga,” say pa ni Direk Joyce.
At dahil siya ang nag-edit ng Northern Lights, tinanong namin kung nagandahan siya sa pelikula.
“’Sakto naman. Okay naman, deserving niya ang Grade B sa CEB (Cinema Evaluation Board),” sagot niya. (Reggee Bonoan)