Nagbabala ang Department of Health (DoH) sa publiko hinggil sa pagbili at pagkain ng mga street food ngayong tag-init.
Ayon kay Health Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Eric Tayag, madaling mapanis ang street foods tuwing ganito ang panahon dahil lantad ang mga ito sa mainit na sikat ng araw.
Sinabi ni Tayag na kung hindi maiiwasang bumili ng street foods ay dapat na mag-doble ingat na lang sa pagpili ng pagkaing bibilhin.
Payo ni Tayag, dapat na tiyaking malinis ang pagkain at ang lalagyan nito bago bumili.
Dapat ding panoorin kung paano inihahanda at iniluluto ng mga vendor ang kanilang paninda, tulad ng paggamit ng guwantes at malinis na tubig, na isang paraan upang mapatagal ang buhay ng pagkain o pag-iwas na mapanis ito kaagad.
Kung may sauce ang pagkaing bibilhin, tulad ng fish balls at squid balls, dapat alamin kung may sarili itong sandok at hindi pinagsasawsawan ng pagkain ng mga kostumer.
Sa mga palamig naman, mas magandang bumili nito kung ang lalagyan ay may sariling gripo, upang hindi na kinakailangang ipasok ng tindera ang kanyang kamay sa lalagyan, na maaaring maging dahilan ng kontaminasyon.
Dapat ding maging mabusisi ang mamimili sa mga baso at yelong ginagamit ng mga tindera at tiyaking malinis ang mga ito.
Kung bibili naman ng ulam na may karne, dapat tiyakin na wala itong ‘pink parts’, na indikasyon na hilaw pa ito.
Hindi rin umano dapat pagsamahin sa taguan ang hilaw at lutong pagkain upang maiwasan ang “cross-contamination”.
Giit pa ni Tayag, dapat na panatilihin sa isip ang “four-hour rule”, o ang pag-ubos sa pagkain sa loob ng apat na oras, matapos itong lutuin. (Mary Ann Santiago)