MAGALING talagang artista si Raikko Mateo.
Puring-puri ng lahat sa celebrity screening/premiere night ng Northern Lights: A Journey to Love nitong Martes sa SM Megamall Cinema 8 ang napakahusay niyang pagganap bilang si Charlie, anak nina Piolo Pascual (Charlie, Sr) at Maricar Reyes.
Lumaki at nagkaisip si Charlie na hindi nakasama ang ama at naniniwalang iniwan silang mag-ina sa Pilipinas at hindi na binalikan. Buntis na ang kanyang ina nang samahan ni Piolo ang mga magulang patungong Alaska at nangakong babalik.
Pero nang bumalik, may iba nang lalaki sa buhay ni Maricar.
Walong taong gulang na si Charlie nang magpasya ang ina na ipadala siya sa lolo at lola (Tirso Cruz III at Sandy Andolong) na nakatira sa Alaska. Ang mga ito ang umasikaso ng lahat ng papeles. Walang kinalaman ang ama sa pagdating ng anak na kinailangan niyang kalimutan pati na ang ina nito na nag-iwan ng galit sa dibdib.
Kaya nang dumating si Charlie Jr. sa Alaska ay gulat na gulat si Charlie Sr., hindi niya alam kung paano ito kakausapin o aasikasuhin, kasi nga hindi naman niya naranasang maging ama nito.
Pero ang galing ng hirit ni Raikko habang umiiyak na, “Daddy ka na, dapat alam mo na. Hindi mo naman gustong nandito ako, kaya uuwi na lang ako sa mama ko.”
Walang alam si Raikko na ipinadala siya sa Alaska ng mama niya dahil hindi na siya nito kayang alagaan dahil sa malubhang karamdaman.
Gustong makarating sa Alaska si Raikko para masaksihan ang Northern Lights na ayon sa kuwento ng mama niya, lahat ng mahal sa buhay na pumapanaw ay naroon at sila ‘yung dahilan kaya may dancing lights.
Kaya parating inuungot ni Raikko sa ama kung kailan sila pupunta sa Northern Lights, pero puro pangako lang na hindi natutuloy dahil mas inuuna pa ni Piolo si Yen Santos na hinahanap naman ang inang si Glydel Mercado na nagtatrabaho roon.
Nang makita na ni Raikko ang Northern Lights kalaunan, sinabi nito sa ama na, “Nakita ko na ang Northern Lights, gusto ko na pong bumalik sa mama ko, maski walang Northern Lights doon, mahal naman ako ng mama ko, hindi tulad dito, hindi mo naman ako gustong nandito.”
Nakakaiyak ang eksena nina Piolo at Raikko na nagkahiwalay at hindi nagkaroon ng pagkakataong mahalin ang isa’t isa dahil sa kasalanang hindi naman nila ginusto.
Touching din ang pagkikita ni Glydel at ni Yen na naniniwalang iniwan ng ina nang walang dahilan, pero nalamang ang binalikan pala nito sa Alaska ay ang naunang pamilya.
Sa madaling sabi, ikalawang pamilya si Yen at amang si Joel Torre, bagay na hindi ipinagtapat ng huli dahil gustong pagtakpan ang ina.
Simple lang ang istorya ng Northern Lights, gustong ipakita ang journey ng mag-amang Piolo at Raikko na kahit ilang taong na ang nasayang sa kanila ay hindi pa huli ang lahat. At siyempre, happy ending ang mag-ama plus may instant mommy pa, si Yen.
May chemistry sina Piolo at Yen, malakas ang kilig kapag magkasama sila sa eksena kaya panay ang hiyawan ng supporters ng aktres.
Tama ang kuwento nina Piolo at Direk Dondon Santos na mahirap umarte o magtrabaho kapag maginaw dahil pigil o minamadali ang lahat lalo na kapag nasa yelo sila.
Gayunman, heartwarming at touching ang pelikula nila. Kung manonood, siguraduhing magbaon ng panyo o tissue para may pamunas kayo ng luha.
Gusto naming muling mapanood sina Piolo at Yen sa isang romantic comedy na tiyak na muling magpapakilig sa moviegoers.
Hindi na makukuwestiyon ang galing sa pag-arte ni Raikko. Katunayan, nakatatlong awards na siya – Best Child Actor sa 28th PMPC Star Awards for TV para sa Honesto; 45th Guillermo Mendoza Box Office Entertainment bilang Most Popular Male Child Performer (Honesto), at 16th Gawad Pasado Awards para sa Most Passing Symbol in a Moral Conduct at nominado naman siya bilang Child Star of the Year sa Yahoo Celebrity Awards, na pawang nakamit niya noong 2014.
Nakaapat na pelikula na si Raikko, ang Feng Shui 2, Resureksyon, Beauty and the Bestie at itong Northern Lights.
Nagbukas na sa mga sinehan nationwide ang Northern Lights kahapon, produced ng Star Cinema, Spring Films at Regal Entertainment. (REGGEE BONOAN)