CAMP DANGWA, Benguet – Isang guro ang binaril at napatay ng kanyang biyenang lalaki sa kainitan ng kanilang pagtatalo sa loob ng bahay sa Cabugao, Apayao, nitong Lunes.
Kinilala ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera ang biktimang si Jaime Tamayo Enciso, 45, na nabaril sa isang bala mula sa baril ng biyenan niyang si Peter Patayan, 68, retiradong kawani ng gobyerno.
Batay sa imbestigasyon ng Cabugao Municipal Police, dakong 12:40 ng hapon nitong Lunes nang dumating umanong lasing si Enciso sa kanyang bahay sa Sitio Sta. Pukaw sa Barangay Poblacion at kaagad na hinanap ang kanyang misis hanggang matuklasan niyang nasa bahay ito ng kanyang biyenang lalaki.
Ayon sa mga report, sumugod si Enciso sa bahay ng suspek at pinagbabato ito kaya lumabas ang matanda, sinundan pauwi ang manugang, bago binaril ito ng isang beses sa kaliwang dibdib. Tinutugis na ngayon si Patayan. (Rizaldy Comanda)