NAKATAKDANG lumahok ang Guimaras sa 2017 Aliwan Festival na idaraos sa Metro Manila sa Abril 21 at 22.
Nitong Martes, kinumpirma mismo ni Jaypee Kein Entredicho, public information officer ng Guimaras, na sasali ang probinsiya sa Aliwan, na isa sa mga pangunahing tourism event sa bansa.
Irerepresenta ng “Hubon Binagtong sa Manggahan” ng Cabalagnan National High School sa bayan ng Nueva Valencia ang Manggahan Festival ng probinsiya.
“After Guimaras won the Kasadyahan competition in the last Dinagyang Festival, the Province and stakeholders decided to pool its resources to have the Manggahan Festival and the island-province represented in Aliwan,” aniya.
Aabot sa P5 milyon ang ilalaan ng probinsiya sa mga kakailanganin ng higit 100 Aliwan delegation mula Guimaras.
“The funds will come from the province, the Department of Tourism, Aliwan Fest organizers, the LGU Nueva Valencia, with the support of the tribe sponsors,” ani Entredicho.
Matatandaang nitong Enero, nanalo ang Hubon Binagton sa Manggahan sa Dinagyang Kasadyahan. Bukod sa championship crown, nasungkit din nito ang anim na minor award.
Ayon sa pamahalaang lokal, napapanahon ang Aliwan Festival upang mas makilala ang Guimaras. Abala rin ang Guimaras sa paghahanda para sa Manggahan Festival na idaraos sa Mayo 11-21.
Mas magiging espesyal ang Manggahan Festival ngayong taon, ayon kay Entredicho. Hindi katulad ng mga nagdaang taon, inimbitahan ng probinsiya ang lahat ng mga festival sa Rehiyon 6 upang magtanghal sa WV International Cultural Presentation. Sa ngayon, dalawang festival na ang nagkumpirma ng pakikiisa– ang Dinagyang ng Iloilo City at Pintados de Passi ng Passi City.
Magsisimula ang Festival sa isang grand caravan sa Marso 31, at limang linggong Manggahan sa Kabanwahanan na idaraos hanggang Mayo 7. (PNA)