Apat na lalaki, kabilang ang isang pulis na naka-absent without official leave (AWOL), ang pinagdadakma sa buy-bust operation sa Navotas City nitong Martes.

Kinilala ni Sr. Supt. Dante Novicio, hepe ng Navotas Police, ang suspek na sina Police Officer 2 Ferdinand Ragin, 50; Renato Alido, 40; Michael Lecciones, 28; at RJ Cruz, 28.

Base sa imbestigasyon, dakong 2:45 ng madaling araw, isinagawa ng Navotas Police ang buy-bust operation sa isang kalye sa Barangay North Bay Boulevard North, Market 3, Navotas.

Ayon kay Novicio, target sa nasabing operasyon si Ragin at kanyang mga kasabwat.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Base sa report, isang pulis, nagsilbing poseur buyer, ang nakipagtransaksiyon kay Ragin, iniabot ang marked money kapalit ng shabu.

Nang makuha ni Ragin ang marked money, nagsilabasan na ang iba pang pulis na nagtago sa paligid ng pinangyarihan at inaresto ang grupo.

Nakuha mula sa mga suspek ang apat na pakete ng shabu, at ang marked money.

Ayon kay Novicio, binuo ni Ragin ang nasabing grupo noong 2003 nang mag-AWOL siya bilang pulis at mas pinili ang ilegal na gawain sa Navotas.

“We believe that he went on AWOL due to his drug peddling activities. He apparently went after money than his honor as a cop,” ani Novicio.

Napag-alaman din sa hepe na hindi isinuko ni Ragin ang kanyang baril, at sinabing mayroon pa siyang nakabimbing kaso.

(Jel Santos at Orly L. Barcala)