Inihayag kahapon ng militar na nabawi na rin nito noong Lunes ng gabi, katuwang ang pulis at pamahalaang bayan ng Basilan, ang Roro 9 tugboat chief engineer na dinukot ng Abu Sayyaf Group (ASG) noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokeswoman Captain Jo-Ann D. Petinglay, na matapos ang apat na araw ng masusing search, rescue at recovery operations ng Joint Task Force Basilan ay napilitan ang mga bandido na palayain na si Laurencio Tiro.

Sinabi ni Petinglay na na-rescue si Tiro, chief engineer ng Supershuttle Roro 9 tugboat, ng elite unit ng Philippine Army at Barangay Peacekeeping Action Team sa dalampasigan ng Sitio Sasa, Barangay Basakan, Hadji Mohammad Ajul, Basilan bandang 10:30 ng gabi nitong Lunes.

Napaulat na inabandona na lang ng Abu Sayyaf ang kanilang bihag dahil sa matinding pressure sa grupo dulot ng walang tigil na opensiba ng militar.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dinukot si Tiro, kasama si Aurelio Agac-ac, boat captain, mula sa kanilang tugboat nitong Marso 23 habang naglalayag sa Sibago Island, Basilan.

Matapos ma-rescue, kaagad na dinala si Tiro sa headquarters ng 19th Special Forces Company sa Barangay Dancalan, Lamitan City kung saan sinalubong siya ng isang medical team.

Bandang 6:30 ng umaga kahapon ay dinala naman siya sa headquarters ng WestMinCom sa Zamboanga City para idiretso sa Camp Navarro General Hospital sa siyudad, at ibalik sa kanyang pamilya.

Si Tiro ang huli sa serye ng matatagumpay na rescue operations ng militar laban sa Abu Sayyaf. Unang nabawi ng awtoridad sa mga bandido si Agac-ac at ang limang Malaysian. (Francis T. Wakefield)