ISINUSULAT at ididirehe ni Barry Jenkins, ng pelikulang Moonlight na nagwaging best picture sa Oscars, ang isang drama para sa Amazon na halaw sa isang prize-winning novel tungkol sa pagtakas sa pang-aalipin.
Ang The Underground Railroad ay hahanguin mula sa libro, na pananatilihin ang titulo, ng nobelistang si Colson Whitehead. Ang nobela ay bumenta ng mahigit 825,000 kopya at nanalo ng National Book Award, isa sa pinakaprestihiyosong literary prize sa Amerika.
Inspired ng makasaysayang secret network ng mga daan na binagtas ng mga alipin patungo sa kalayaan sa North noong 18th century, ito ay kuwento ng pagtakas ng batang African American na si Cora mula sa isang plantasyon sa Georgia.
Sinabi ni Jenkins, 37, na excited siyang gawin ang napakayamang literary material.
“Colson’s writing has always defied convention, and The Underground Railroad is no different,” ipinahayag ng director nitong Lunes.
“It’s a groundbreaking work that pays respect to our nation’s history while using the form to explore it in a thoughtful and original way,” sabi ni Jenkins. (AFP)