TINUKOY ng mga senador na nakipagpulong sa mga opisyal ng Malacañang sa Presidential-Legislative Liaison Office nitong Martes ang sampung prioridad na panukalang tatalakayin ng kapulungan kapag nagbalik na ito sa sesyon sa Mayo 2 pagkatapos ng bakasyon ng Semana Santa.
Isang sorpresa na hindi kabilang sa listahan ng Senado ang panukala sa pagbabalik ng parusang kamatayan, na matagal nang isinusulong ng administrasyong Duterte at kamakailan ay nagbunsod ng malawakang balasahan sa Kamara de Representantes. Sa nasabing kapulungan ng Kongreso, tinotoo ni Speaker Pantaleon Alvarez ang banta niya na ang lahat ng kongresistang may mataas na posisyon sa Kamara ay tatanggalin sa puwesto kung boboto kontra sa nasabing panukala.
Ang pinakamatinding naapektuhan sa Kamara ay si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na inalis sa kanyang posisyon bilang deputy speaker. Ilan pang pinuno ng mga komite ang pinagtatanggal din, sa paggigiit ni Speaker Alvarez na masunod ang desisyon ng partido.
Taliwas naman sa mabilisang aksiyon ng Kamara, tumanggi ang Senado na isama ang panukala na magbabalik sa parusang kamatayan sa mga prioridad nitong ipasa. Apat sa mga ito ay nakaabante na sa proseso ng lehislatura—ang National Transport Act, ang Utilization of the Coco Levy Act, ang Occupational Safety and Health Hazards Compliance Act, at ang National Mental Health Act.
Ang anim na iba pang prioridad na panukala ay nananawagan para sa isang unified national ID system, pagpapatawad ng arrears sa pagbabayad ng amortization ng lupa, pagbabago sa schedule ng suweldo sa militar at pulisya, reporma sa pensiyon para sa mga sundalo at pulis, programa ng reporma sa buwis, at panukala sa security of tenure.
Noong nakaraang buwan, isinantabi ng Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon ang pagkonsidera nito sa panukalang death penalty makaraang makumpirmang maaari nitong labagin ang isang tratado na niratipikahan ng Senado na nananawagan sa lahat ng bansa na ihinto ang mga pagbitay sa layuning tuluyan nang matuldukan ang pagpaparusa ng kamatayan sa mundo.
Matapos aprubahan ang sampung prioridad nitong panukala, maaari nang pagtuunan ng pansin ng Senado ang panukala sa death penalty. Ngunit sa kasalukuyan, malinaw na hindi nag-aapura ang Senado, na kilala sa pagiging independent, na ibalik ang parusang kamatayan, hindi tulad ng Kamara.
Sa nakalipas na mga buwan ng administrasyong Duterte, napakarami nating nakitang pagbabago sa gobyerno at sa ating pamumuhay sa bansa sa kabuuan. Mababatid din natin sa lalong madaling panahon kung nagbago na ang ating mga pambansang polisiya sa pangunahing usapin ng pagpaparusa ng kamatayan kung aaprubahan din ito ng Senado.