MALIBAN kung aamiyendahan ang Local Government Code (LGC), naniniwala rin ako na hindi maaaring hirangin ang mga opisyal ng barangay, lalo na ang mga Chairman nito. Ang naturang mga halal na opisyal, tulad ng laging binibigyang-diin ng mga election lawyer, ay mapapalitan lamang sa pamamagitan ng eleksiyon na nakatakdang isagawa sa Oktubre 27 ng taong ito pagkatapos na iyon ay sunud-sunod na ipinagpaliban.

Mismong si Pangulong Duterte ang humikayat sa Kongreso upang magpatibay ng batas na magpapaliban sa naturang barangay polls. Noon pa man, paulit-ulit na niyang ipinahihiwatig na higit na mabuti kung magtatalaga na lamang ng mga pansamantalang opisyal ng barangay; papalitan ang karamihan sa mga ito, lalo na ang mga nasasangkot sa kasumpa-sumpang illegal drugs. Naging batayan ng Pangulo ang isang estadistika na nagsasaad na ang halos 92 porsiyento ng mga barangay sa buong bansa ay talamak sa ipinagbabawal na gamot.

Isa pa, natatandaan ko na buong panggagalaiting inilahad ng Pangulo ang pakikipagsabuwatan ng ilang barangay chairman sa mga drug lord na tumutustos sa kanilang kandidatura tuwing halalan. Ibig sabihin, ang mga tiwaling opisyal din ang tiyak na maluluklok sa tungkulin dahil sa mga suporta na ipinagkakaloob sa kanila ng mga drug lord na hanggang ngayon ay namamayagpag sa mistulang pagpapatuyo ng utak, wika nga, ng sambayanan, lalo na ng mga kabataan.

Ito ang nakikita kong pinakamalaking dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagkasuklam ng Pangulo sa pamunuan ng mga barangay; marami pa rin sa mga ito ang hindi tumitigil sa pagyakap sa nakaririmarim na bisyo sa kabila ng matinding pagsusulong ng Oplan Tokhang laban sa illegal drugs at kriminalidad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil dito, lalong sumidhi ang aking paniniwala na ang itinakdang barangay polls ay muling maipagpapaliban.

Katunayan, ang ilang kongresista ay nagkukumagkag sa pagbalangkas ng panukalang-batas na magtatakda ng panibagong halalan para sa naturang... mga opisyal. Kabilang dito ang Sangguniang Kabataan (SK) elections na matagal na ring hindi naidadaos sa paniwala ng marami na ang nasabing grupo ay marapat nang buwagin. Kabilang ako sa mga naninindigan na ang mga bumubuo ng SK ay hindi na dapat lumahok sa gayong gawaing pampulitika; sa halip, makabubuting iukol na lamang ang kanilang makabuluhang panahon sa pag-aaral at sa iba pang larangan ng pakikipagsapalaran. Walang magkakagusto na sila ay mabahiran pa ng marumi at madugong pulitika.

Dahil sa matinding hangarin ng Pangulo na lipulin ang kamandag ng narco-politics sa ating lipunan, lalong tumindi ang aking paniwala na hindi lamang maipagpapaliban ang barangay polls kundi itatalaga na lamang ang karapat-dapat na mga opisyal sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan. (Celo Lagmay)