PINAGSABIHAN ni President Rodrigo Duterte ang kanyang mga kaalyado sa Kongreso na huwag nang ipursige ang impeachment complaint laban kay Vice Pres. Leni Robredo. Wala raw justification o dahilan para ma-impeach si “beautiful lady”, na ang ginawang batayan ng reklamo laban sa kanya ay ang pagpapadala ng video message sa UN tungkol sa umano’y extrajudicial killings at human rights violations ng Duterte administration kaugnay ng giyera sa droga.
Binigyang-diin ni Mano Digong sa kaalyadong mga kongresista na tigilang ipa-impeach si VP Leni sapagkat sa ilalim ng kanyang “democratic leadership”, pinapayagan ang freedom of speech. Sabi niya: “Look, you know, we just had an election. Guys, lay off. Let’s stop it,” paglapag niya sa NAIA galing sa Myanmar at Thailand.
Sa Thailand, sinabi niya sa Filipino community na nag-aapura si Robredo na maging presidente. Pero, nang dumating sa ‘Pinas, nag-iba ng tono. “Elected ‘yung tao so why do you have to? Just because she keeps on harping me? Hayaan mo, this is democracy, freedom of speech.”
Niliwanag ni PDu30 na walang ginagawang masama si VP Leni upang ma-undermine ang kanyang administrasyon o gumagawa ng impeachable offense. Idiin niya na ang video message ni Robredo sa UN ay “exercise of her right to free expression.”
Abangan natin kung susunod si Speaker Pantaleon Alvarez na balewalain ang ihahaing reklamo nina Marcos loyalist Atty. Oliver Lozano at ng isang grupo ng mga abogado.
Mabuti pa siguro ay iwanan na ng Kongreso ang mga isyu hinggil sa impeach-impeach na iyan sapagkat hindi lang aksaya ito sa mahahalagang oras ng mga mambabatas kundi pag-aawayin pa nito ang mga Pilipino.
Naniniwala si Manila 1st District Rep. Manuel “Manny” Lopez na matatamo lang ng bansa ang kaayusan at kapayapaan kung magkakaroon ng masigla at masaganang pamumuhay ang mamamayan. Ang kawalang- trabaho, kawalang -tahanan at kakulangan ng pagkain sa hapag ng bawat pamilya ay bunga ng patuloy na kahirapang dinaranas ng mamamayan.
Dapat pabilisin at bigyang prayoridad ang mga bagong patakaran ng pamahalaan at hakbangin sa Kongreso na magbibigay ng solusyon sa problema ng kahirapan at hindi ang paghahain ng reklamong impeachment laban kina Pres. Rody at VP Leni.
“We need to establish social order first in order for the community to have public order “, ani Lopez. Nasiyahan siya nang aprubahan ng House Committee on Housing and Urban Development ang walong bill tungkol sa pagtatatag ng On Site, In City o Near City Ressetlement Act. Ito ay magpapasigla sa programang... pabahay ng bansa at mag-aangat ng kabuhayan ng mamamayan sa pagkakaroon ng sariling tahanan.
Bilang isa sa may-akda, hinikayat ni Lopez ang NHA , HUDCC at iba pang ahensiya na gawing halimbawa ang kanyang distrito sa Tondo sa nabanggit na resettlement program oras na maging batas ito. Akmang-akma ang hakbanging ito sa Maynila na lumaki ang populasyon.
Mr. Speaker, Mr. Senate President, itapon na ninyo ang mga ideya hinggil sa impeachment complaint laban kina PDu30 at VP Leni dahil lalo lang magkakawatak-watak ang mamamayan. Sa halip, ituon ang paggawa ng mga batas na tutulong sa pag-aangat sa buhay ng mga tao, makakain ng 3 beses kada araw, may trabaho, at hindi takot na mapatay sa lansangan sa pag-uwi sa bahay. (Bert de Guzman)