PINABULAANAN ni Erik Santos ang balitang nagkakamabutihan sila ng 2016 Miss Great Britain na si Jamie Lee Faulkner.
Sa panayam ng Tonight With Boy Abunda, nabanggit ni Angeline Quinto na hindi pa sila nagkakausap ni Erik tungkol dito at kung sakaling girlfriend na raw ng binata ang beauty queen ay wala siyang magagawa.
Natawa si Erik nang tanungin namin tungkol dito, “Ha-ha, friends lang kami, ate.”
Nanumbat kami na sinasaktan na naman niya ang damdamin ni Angeline, gayong alam naman niyang mahal siya ng dalaga, at boto sa kanya si Mama Bob, ang lolang nagpalaki sa singer.
“Hindi naman, ‘te,” mabilis na sagot ng binata.
Nabanggit din ni Erik na hindi pa sila nagkakausap ni Angeline tungkol kay Miss Great Britain dahil pareho silang abala sa rehearsals ng upcoming concerts nila.
Sa Biyernes, Marso 31 na ang Birit Queens concert ni Angeline kasama sina Klarisse, Morisette, at Jona sa SM MOA Arena produced ng ASAP Live at Star Music. (Reggee Bonoan)