INIYAKAN ng maraming Encantadiks ang episodes ng Encantadia kamakailan. Hindi sila makapaniwala sa mga nagaganap sa paborito nilang telefantasya.
Sa pagkamatay ng mga bagong tagapangalaga ng mga brilyante ng lupa at tubig na sina Lira (Mikee Quintos) at Mira (Kate Valdez), nagtatanungan ang masugid na mga tagasubaybay kung katapusan na nga ba ng Encantadia.
Pumanaw na rin ang karakter ni Jake Vargas na si Gilas. Nagbuwis din ng buhay si Wahid (Andre Paras) para kay Lira.
Pero hindi lang Encantadiks ang may ganitong reaksiyon, pati na ang mismong namamahala ng show na si Direk Mark Reyes.
“I can’t believe we’re doing this,” aniya nang kanyang i-upload sa Instagram ang plug tungkol sa mga nangyayaring ito.
Marami ang nag-aabang kung tuluyan na nga ba silang mawawala o tulad ng ibang karakter ay mabubuhay pa rin. Marami na ang napaluha pero marami ang umaasa na babalik pa rin ang naturang characters.
Ano nga kaya ang mangyayari pagdating ni Cassiopeia (Solenn Huessaff) sa isla at makita ang mga walang buhay na sina Lira at Mira? Tuluyan na nga kayang maghahari ang kadiliman sa Encantadia?