Limang katao ang namatay habang apat na iba pa ang nasugatan makaraang masunog ang isang cargo boat habang nakahimpil sa daungan sa Zamboanga City, Lunes ng gabi.
Sa limang tupok na bangkay, tatlo pa lamang ang nakilala na sina Razdy Imlan, Manzul Abidin, at Sidim Tangkahan.
Ginagamot naman sa Zamboanga City Medical Center ang mga nasugatan na sina Asin Nur, 31; Ardih Jundain, 22; Alsid Saul, 21, at Andung Saul, na nagtamo ng first hanggang third degree burns sa kanilang katawan.
Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection(BFP), nangyari ang trahedya bandang 8:00 ng gabi nitong Lunes sa loob ng pribadong daungan ng Ben-Go Wharf sa Barangay Baliwasan, Zamboanga City.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng BFP na mula sa isang fuel tanker truck ay pinupuno ng gasolina ang nasa 100 drum at galon sa ML Satellite na dadalhin sana sa Jolo, Sulu.
Nabatid na nang pinaandar ng chief mechanic ng cargo boat ang generator set ay biglang sumiklab ang apoy at sunud-sunod na sumabog ng mga lalagyan ng gasolina.
May bakas ng sunog ang tanker truck na minamaneho ng isang Leonardo Benson, 60, taga-Lopez Jaena, Misamis Occidental, na masuwerteng nakaligtas sa insidente. (FER TABOY at BETH CAMIA)