GABI-GABI nang umiiyak ang mga sumusubaybay sa Destined To Be Yours nina Alden Richards at Maine Mendoza. Kaya ang AlDub Nation nagtatanong na, akala raw nila romantic-comedy ang teleserye na idinidirehe ni Irene Villamor, bakit ngayon lagi silang umiiyak tuwing nanonood?
Pinakilig daw sila sa simula, ngayon pinaiiyak na sila.
Kuwento nga ng isang friend, todo raw ang iyak niya nang malaman na ni Sinag Obispo (Maine) ang totoong pagkatao ni Benjie (Alden) na kaya lang siya niligawan ay dahil gusto nitong mabili ang kanilang lupa sa Pelangi para sa construction company ng mga Rosales, na pag-aari ng pamilya nito, at para matanggap din siya ng kanyang Lolo Vicente (Tommy Abuel).
Ama ni Benjie si Gabriel (Matt Mendoza), nag-iisang anak na lalaki ng mga Rosales, na itinakwil nito nang piliin ang isang mahirap lamang na si Amanda (Lotlot de Leon). Lumubha pa ang galit ni Lolo Vicente nang mamatay si Gabriel sa isang aksidente nang iligtas nito si Teddy (Gardo Versoza) na ama ni Sinag.
Pero mukhang tuluy-tuloy pa rin ang pagsubok kina Benjie at Sinag dahil napilitang iwanan nina Sinag ang Pelangi nang ipasunog ang bahay nila ni Catalina (kapatid ni Gabriel) para tuluyan na nilang makuha ang lupain ng mga Obispo.
Tuluyan nang nagkahiwalay sina Benjie at Sinag, kahit pinilit ni Benjie na hanapin si Sinag at pamilya nito.
Last Friday, nang mag-guest sina Alden at Maine sa concert ng Trops sa Skydome sa SM North EDSA, dumating si Maine na mugto pa ang mga mata dahil galing sila ni Alden sa maghapong taping sa Antipolo. Siyempre, ayaw nilang ikuwento ang kanilang eksena.
Pero halos iisa ang comment ng televiewers kina Alden at Maine.
“Si Alden po kasi, alam na nating mahusay siya talagang actor at kahit anong role kayang-kaya niyang gampanan. Pero si Maine po ang talagang kitang-kita mo ang malaking pagbabago sa acting niya, mula sa comedy scenes nila sa kalyeserye sa Eat Bulaga, sa kanilang teleserye ngayon. Tama si Alden sa sinasabi niyang ibinibigay ni Maine kung ano ang hinihingi ng eksena niya. Na ikinagugulat po rin naming sumusubaybay sa teleserye gabi-gabi.”
“Maraming salamat po sa nakakagusto sa teleserye namin ni Alden,” sabi ni Maine. “Ako po naman, with the guidance of Alden, lalo na kung magkasama kami sa eksena, ay sinusunod ko ang lahat ng mga sinasabi ni Direk Irene, kung ano ang dapat kong gawin. Huwag po kayong bibitiw sa love story nina Benjie at Sinag.”
Napapanood ang Destined To Be Yours gabi-gabi pagkatapos ng Encantadia. (Nora Calderon)