Nagpaalala ang Manila Police District (MPD) sa mga tauhan nito na mag-ingat sa matinding init ng panahon, kasunod ng pagkamatay ng isang pulis kamakailan.
Sa flag raising ceremony kahapon, inihayag ni Police Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng district directorial staff ng MPD, ang pagkamatay ni PO3 Leo Marcelo, 37, nakatalaga sa Remedios Police Community Precinct (PCP) nitong Sabado.
Nasa harapan ng Lawton PCP si PO3 Marcelo, kasama si PO1 Lorren Hope Lardizabal, nang sumikip ang dibdib nito dahil sa matinding init at namatay habang isinusugod sa Manila Doctors Hospital.
Pinayuhan ni Bustamante ang mga pulis na kung may pagkakataon ay sumilong at huwag magbilad sa matinding init ng araw, at palagiang uminom ng tubig upang makaiwas sa dehydration at heat stroke. (Mary Ann Santiago)