UMIGPAW ang Star Hotshots sa ikalawang sunod na panalo at malaki ang kontribusyon sa pag-arya ni point guard Mark Barroca. Dahil sa ipinakitang husay at liderato,napili si Star playmaker ang bilang ikalawang Accel-PBA Press Corps Player of the Week matapos pangunahan ang Hotshots sa ginaganap na 2017 Commissioner’s Cup.
Tinalo ng 5-foot-10 na si Barroca ang kanyang Star teammate na si Peter June Simon, Meralco guards na sina Baser Amer at Jared Dillinger, Rain or Shine sophomore point guard Maverick Ahanmishi, Mahindra defender Ryan Arana, Alaska rookie forward Carl Cruz at TNT’ playmaker Jayson Castro para sa weekly citation para sa buong lingg ng Marso 20-26.
Nag-step-up para sa combo guard na si Paul Lee – limitado ang kilos sa tinamong injury sa tuhod -- nagtala si Barroca ng 17 puntos at dalawang steal sa unang laro ng Star kung saan tinalo nila ang Phoenix, 101-82, noong Miyerkules.
Tatlong araw kasunod nito, nagposte naman si Barroca ng all-around effort na walong puntos, limang rebound, limang assist at dalawang steal upang tulungan ang Hotshots sa 103-77 demolisyon ng GlobalPort.
Dahil sa panalo, sumalo ang Hotshots sa Meralco Bolts (3-0), defending champion Rain or Shine (3-0) at Alaska Aces (2-0) sa hanay ng mga walang gurlis na koponan.
Hindi pa sumasalang ngayong conference ang San Miguel Beer at Barangay Ginebra. (Marivic Awitan)