SAN ANTONIO (AP) — Diniskaril ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na kumubra ng 25 puntos, ang pangigibabaw ng Cleveland Cavaliers sa East sa dominanteng 103-74 panalo nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nag-ambag sina LaMarcus Aldridge at Pau Gasol ng tig-14 puntos para sa ikalimang sunod na panalo ng Spurs, tumatag sa No.2 sa Western Conference.
Natamo ng Cleveland (47-26) ang ikalawang sunod na kabiguan, sapat para malaglag sa ikalawang puwesto para sa labanan sa top seeding kontra sa Boston (48-26) sa Eastern Conference playoffs.
Nagtamo ng injury si Cavaliers star LeBron James sa third period at nanatili sa bench sa kabuuan ng fourth period bago tuluyang namalagi sa locker room. Wala pang opisyal na pahayag hingil sa kanyang kalagayan.
Tumapos si James ng 17 puntos, walong rebound at walong assists bago simanahan sa bench ang mga injured na rin na sina Kyle Korver (foot) at Iman Shumpert (knee).
Nakabuntot ang San Antonio (57-16) sa nangungunang Golden State para sa league’s best record. Nakatakda silang magtagpo sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).
THUNDER 92, MAVERICKS 91
Sa Dallas, naisalpak ni Russell Westbrook ang pull-up jumper may pitong segundo ang nalalabi para tuluyang burahin ang 13 puntos na paghahabol ng Oklahoma Thunder at makalusot laban sa Mavericks.
Naitala ni Westbrook ang ika-37 triple-double ngayong season -- 37 puntos, 13 rebound at 10 assist – para makalapit sa single season record ni Oscar Robertson (1961-62) na 42.
Ratsada ang Thunder sa 14-0 run, tampok ang krusyal na play sa huling 13 segundo kung saan nakuha ng Oklahoma ang bola matapos ang isinagawang replay sa kontrobersyal na agawan sa bola. Sa huling play, nagawang maisalpak ni Westbrook ang jumper sa harap ng depensa ni Wesley Matthews.
Nagmintis ang pagtatangka ni Harrison Barnes sa three-pointer sa buzzer para pormal na mamaalam ang Mavericks (31-42) sa playoff sa unang pagkakataon mula noong 1999-2000, ang taon na binili ni Mark Cuban ang koponan.
Nagwagi ang Thunder (42-31) sa ikapitong pagkakataon sa huling siyam na laro.
KNICKS 109, PISTONS 95
Sa New York, hataw sina Derrick Rose sa naiskor na 27 puntos at Kristaps Porzingis na may 25 puntos para sandigan ang Knicks kontra Detroit Pistons.
Nagsalansan si Carmelo Anthony ng 21 puntos para putulin ang five-game losing streak at bigyan buhay ang sisinghap-singhap na kampanya na makapasok sa playoff.
Nanguna si Marcus Morris sa Pistons sa nakubrang 20 puntos. Natamo ng Detroit ang ikaapat na sunod na kabiguan at nanatiling nasa likod ng Miami para sa ikawalo at juling spot sa East Playoff.
Sa iba pang laro, dinurog ng Toronto Raptors ang Orlando Magic, 131-112; pinaluhod ng Sacramento Kings ang Memphis Grizzlies, 91-90; at hiniya ng Utah Jazz ang New Orleas Pelicans, 108-100.