Namatay na rin ang hinihinalang magnanakaw na naghagis ng granada malapit sa isang bakery sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng apat na katao at ikinasugat ng 23 iba pa, nitong Sabado ng gabi.

Sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Regional Police, na binawian ng buhay si Sedimar Rabbah, 22, sa ospital matapos magreklamong masama ang kanyang pakiramdam.

“Nagreklamo siya sa jail guard on-duty na masama ang pakiramdam niya,” sabi ni Sindac, at idinagdag na dinala si Rabbah sa Sulu Sanitarium Hospital bandang 7:20 ng gabi nitong Linggo.

“Namatay siya sa ospital. Base sa medical certificate, namatay siya sa multiple hematoma,” dagdag ni Sindac.

Probinsya

Tinderang tumaga sa aspin na nagnakaw umano ng karne, timbog!

Matatandaang naghagis ng granada si Rabbah upang makaiwas sa mga galit na galit na istambay na nagtangkang kuyugin siya matapos siyang makilala bilang ang kilabot na kawatan sa Jolo.

Ayon kay Sindac, batay sa report ng kanyang mga tauhan ay nagulpi na si Rabbah ng taumbayan bago pa ito maaresto.

Upang matiyak ang kaligtasan ni Rabbah sa mga kapwa bilanggo na nakabatid sa kanyang ginawa, nagpasya ang pulisya na ihiwalay ng piitan ang suspek. (Aaron B. Recuenco)