Anim na katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan sa sagupaan ng mga armadong pamilya sa North Cotabato kahapon.
Sa report ng North Cotabato Police Provincial Office (NCPPO) kinilala ang mga namatay na sina Ustadz Odin Bala, Mesi Bala at King Kabambalan, pawang tauhan nina Kumander Kusain Akmad at Kumander Kalawan. Nasawi rin sina Zukarno Maguid, Lawan Lakman at Makungan Lakman, mga tauhan naman ni Arlyn Matalam.
Sinabi naman ni Major Calvin Macatangay, tagapagsalita ng 602nd Brigade ng Philippine Army (PA), na away sa lupa ang motibo sa tatlong-oras na bakbakan sa pagitan ng pamilya Matalam at pamilya Cua sa Barangay General Luna, Carmen, kahapon.
Nagsilikas ang mga residente sa takot na maipit sa gulo matapos na humingi ng tulong ang pamilya Cua sa grupo nina Kumander Kalawan at Kumander Kusain Akmad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), habang nagpasaklolo naman si Arlyn Matalam sa kanyang ama na si dating Maguindanao 2nd District Rep. Jimmy Matalam, kasama ang puwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF). (Fer Taboy)