BINUKSAN na ng pamahalaang lungsod ng Kidapawan sa North Cotabato ang hilagang trail ng Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa na may taas na 9,692 talampakan, sa publiko ngayong tag-init.

Muli itong binuksan makaraang ihayag ng Protective Area Management Board (PAMB) ng Kidapawan City nitong Sabado na muling bubuksan ang Mt. Apo sa mga mountaineer simula sa susunod na buwan.

“The PAMB, through Resolution 2017-01 officially opens Mt. Apo for trekkers, which was closed after the wide-range bush fire occurred in the peak during the ‘Holy Week trek’ in March last year,” saad sa opisyal na pahayag ng Protective Area Management Board.

Inihayag ni Mayor Joseph Evangelista na ang progresong ito ay makatutulong para mapataas ang bilang ng mga dayuhan at lokal na climber, na magpapalakas sa turismo ng lokalidad at makalilikha ng malaking kita para sa lokal na maliliit na negosyante.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Gayunman, iginiit ng alkalde ang istriktong implementasyon ng regulasyon sa trekking na itinakda ng Mt. Apo-Protective Area Management Board upang matiyak ang kaligtasan at maiwasan ang pagkapinsala ng bundok.

Noong nakaraang taon, ang walang permisong pagpasok ng mga trekker sa katimugang bahagi ng Mt. Apo ay nagresulta sa malawakang sunog na inabot ng ilang linggo bago tuluyang naapula.

“We will never commercialize Mt. Apo, thus we are bound to maintain strict imposition of rules,” ani Evangelista.

Inatasan na ng alkalde ang tourism office ng lungsod para mahigpit na i-monitor at i-regulate ang bilang ng umaakyat sa tuktok ng bundok. Tuwing tag-init, umaakit ang Mt. Apo ng tinatayang 3,000 hanggang 5,000 mountaineer.

Ibinahagi ni Joey Recimilla, city tourism officer, na magsasagawa sila ng mga training workshop sa lahat ng guide sa bundok at sa mga travel agency simula sa susunod na linggo upang mapabuti pa lalo ang kanilang kapasidad sa pag-aalok ng mga serbisyo at sa pagsalubong at pagtanggap sa mga turista. (PNA)