IPINATITIGIL ni Pangulong Digong ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay VP Leni Robredo. Halal daw ito ng bayan at bago pa lang nakaupo at kung ihahain ang impeachment dahil sa kanya, huwag daw siyang intindihin.
Dalawang grupo ang nagsabi na magsasampa nito, ang mga Marcos loyalist at ang grupo ng abogado. Maging si Speaker Pantaleon Alvarez ay nagsasabi na gagawin niya ito at hindi siya mapipigilan ng Pangulo. Makapal daw ang mukha ng bise-presidente sa pagbibigay ng mensahe sa United Nations tungkol sa extrajudicial killings.
Hindi ba ganito rin siya? Siya na ang pinuno ng Kamara na dirinig sa impeachment, siya pa rin ang magsasampa nito?
Pero bukal ba sa loob ng Pangulo ang sinabi niyang ipinatitigil niya ang impeachment laban kay VP Leni? Marami nang sitwasyong binaligtad niya ang kanyang sarili. Sinimulan niya sa paulit-ulit na pagtanggi na tatakbo siya sa panguluhan, pero tumakbo pa rin siya.
Hayaan na natin ito dahil kumukuha siya ng media mileage at ito ang alam niyang paraan para mapalaki niya ang kanyang pangalan. Ang problema, sinundan niya ito ng mga pangakong alam niyang hindi niya kayang tuparin.
Susugpuin daw niya ang krimen at ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan pagkaupong-pagkaupo niya. Magwawalong buwan na siya sa puwesto, marami nang napatay, pero marami pang bultu-bultong shabu at pagawaan nito ang naglipana.
Ang palusot niya, nang maging Pangulo siya at tsaka lang niya nalaman ang laki ng problema sa ilegal na droga na hindi niya malulutas sa ipinangako niyang panahon. Pero, paano iyong mga krimeng walang kaugnayan sa droga, nasugpo ba niya?
Sa tatlong presidential debate na ginanap bago maghalalan, ipinangako niya na mawawakasan niya ang lahat ng uri ng contractualization at ipaglalaban niya ang karapatan natin sa West Philippine Sea.
Pero winakasan ba niya ang contractualization? Ang nilagdaan niyang kautusan na ginawa ng Department of Labor and Employment ay hindi tinatapos lahat ito, sa halip, ayon sa mga manggagawa, magpapalala pa ito ng sitwasyon dahil sa problemang dulot nito. May probisyon kasi sa Labor Code na nagpapahintulot sa contractualization na hindi sakop ng kanyang kapangyarihan na alisin ito.
Pero sana, sa pagbubukas ng Kongreso ay nagsumite na siya ng panukalang inaalis ang probisyong ito.
Nang pasukin ng China ang Panatag Shoal upang gumawa ng exploration, sinabi ng Pangulo na pinayagan niya ito. Nang sabihin ni Senior Justice Carpio na dapat ipaglaban ng Pangulo ang paghihimasok ng China dito dahil bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas, sinabi niya hindi niya kayang makipagiyera sa China.
Pero, sa presidential debate, sinabi niya na mag-isa siyang magdye-jetski sa lugar na pinagtatalunan at ititirik niya roon ang watawat ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa ibang bansa, sinabi niyang hindi siya pabor sa same-sex marriage, pero bago maghalalan, sa programa ni Vice Ganda, ay nagpahayag siya ng pagsang-ayon dito.
Hindi kaya hyperbole o hyper-bola ang pagtatanggol niya kay VP Leni laban sa impeachment? (Ric Valmonte)