BUO na at handa ang Philippine National Team na binuo ng Philippine Volleyball Federation (PVF).
Matapos ilahad ang pagbabalik ng Bagwis at Amihan – ang opisyal na National men’s at women’s volleyball team – ipinahayag ni PVF President Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada ang pagkakapili kay Ramil de Jesus bilang head coach ng Amihan na sasabak sa AVC Under-23 Women’s Volleyball Championships sa Thailand sa Mayo.
“Handa kami noon pa. Nagkakaisa ang volleyball community at ang pagkakapili kay Ramil (de Jesus) ay bunga ng nagkakaisang layunin para palakasin ang koponan,” pahayag ni Cantada.
Iginiit ni Cantada na naiparating na nila sa organizer, gayundin sa FIVB (International Volleyball Federation) ang intensyon na maglaro sa torneo.
Naging host ang bansa sa torneo may dalawang taon na ang nakalilipas, ngunit ang koponang isinabak na binuo ng Larong Volleyball ng Pilipinas na suportado ng Philippine Olympic committee (POC).
Nagpahayag ang LVPI na hindi na lalahok sa torneo.
“Commitment ito ng bansa, kaya nakakahiyang hindi tayo lumaro rito,” sambit Cantada.
Nilinaw ni Cantada na batay sa ‘status quo’ na ibinigay ng FIVB dahil sa kasalukuyang imbestigasyon na isinasagawa ng Ad-Hoc Committee na binuo ng FIVB para sa kalagayan ng volleyball sa bansa, nananatili ang PVF na miyembro ng International Federation.
‘Until such time na magdesisyon ang FIVB general assembly. Kami sa PVF ang legal na assosasyon,” aniya.
Kinatigan ito ni PSC commissioner Ramon Fernandez na personal na sumulat sa FIVB para makuha ang opisyal na opinyon sa sitwasyon.
Ayon kay Fernandez, handa ang PSC na suportahan ang PVF.