Pitong katao na nasa kalagitnaan ng pagbabatak sa isang condominium unit ang inaresto sa Oplan Sita sa Maharlika Village, Taguig City nitong Linggo.
Kinilala ang mga suspek na sina Cristian Bitara, 34; Haron Maun Na Guiamad, 44; at Palawan Amama, 38, pawang residente ng Barangay Maharlika Taguig; at Jerry Opimo, 44; Jun Bagon, 42; Analyn dela Pena, 39; at Jomar Bertolazo, 30, mula Parañaque City.
Ayon kay PO3 Carding Unding, may hawak ng kaso, bandang 3:00 ng hapon, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Kalawaan Police Community Precinct (PCP-2) nang makatanggap sila ng tip mula sa mga tao na isang grupo ng mga tao ang abala sa pagbabatak sa loob ng Bitara’s condominium unit sa Cagayan de Oro Quiapo St., Maharlika Village.
Nang pasukin nila ang nasabing condo unit, nahuli nila sa aktong gumagamit ng ilegal na droga ng pitong suspek.
Sinubukan pang tumakas ng mga suspek ngunit mas mabilis ang paggalaw ng awtoridad kaysa kanila.
Matapos arestuhin, sinisi ng anim sa mga suspek ang kanilang kaibigan na si Bitara na “humikayat” sa kanila na gumamit ng “shabu.”
Nakuha sa mga suspek ang tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, apat na piraso ng aluminum foil, dalawang lighter, isang digital weighing scale, at ilang piraso ng plastic sachet na may mga bakas ng hinihinalang shabu.
Kasalukuyang nakakulong ang pitong suspek sa Taguig City Police at kinasuhan ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)