MARSO nagsisimula ang tag-init sa Pilipinas. Marahil dahil sa matinding init, mas delikado ring magkasunog kapag ganitong panahon, kaya naman ginugunita tuwing Marso ang Fire Prevention Month upang paalalahanan ang mga tao na mag-doble ingat ngayong buwan.
Kaugnay pa rin sa tag-init, ginugunita rin natin ang Marso 22 bilang World Water Day. Ipinanukala at inaprubahan ito sa 1992 United Nations Conference on Environment and Development sa Rio de Janeiro, Brazil. Kaisa ng iba pang mga bansa, simula noon ay ipinagdiriwang na natin taun-taon ang World Water Day, na ngayong taon ay may temang “Why Waste Water?”.
Ginamit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang okasyon upang paigtingin ang kampanya nito sa paghimok ng pag-iimbak at paggamit sa ulan sa panahong kinakapos tayo sa tubig. Nanawagan si DENR-Western Visayas Director Jim Sampulna sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na tularan ang Davao City, na kasalukuyang inoobliga ang mga establisimyento na magkaroon ng sariling mga rainwater catchment facility bago pagkalooban ng permit to operate.
Noong World Water Day, inihayag ng isa sa mga pangunahing kumpanya sa bansa na kumokonsumo ng tubig, ang San Miguel Corporation (SMC), na magpapatupad ito ng integrated water management system sa mga operasyon nito sa layuning mabawasan ng 50 porsiyento ang konsumo nito sa tubig pagsapit ng 2025. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pag-iimbak ng ulan upang mabawasan ang pagkuha mula sa groundwater resources, muling paggamit sa tubig na napakinabangan na nito, at paggamit ng tubig mula sa dagat sa pamamagitan ng teknolohiyang desalination.
Magpapatuloy ang maalinsangang panahon sa malaking bahagi ng bansa hanggang sa susunod na dalawang buwan, sa panahong bababa ang antas ng tubig sa mga dam sa bansa, na tuwina’y ikinababahala ng mga magsasaka at ng mga gumagamit ng tubig sa siyudad. Sa huling bahagi pa ng Mayo magsisimulang mag-uulan upang muling mapunan ang ating mga dam.
Ang mga ulan na nararanasan natin tuwing tag-ulan at sa panahong may 20 bagyo o higit pa ang tumatama sa bansa kada taon ay mabilis na makapupuno sa ating mga dam sa puntong nagmumuntikan nang umapaw ang mga ito, hanggang sa bahain at malubog ang mabababang lugar sa mga bayan at siyudad, bago pa dumiretso ang tubig sa karagatan. Ito ay saganang malinis na tubig na maaari nating mapakinabangan, kung mayroon lamang tayong sapat na dam o kahit maliliit na pasilidad na mapag-iimbakan sa maraming bahagi ng bansa.
Maglulunsad ang administrasyong Duterte ng malawakang programang pang-imprastruktura ngayong taon, karamihan ay mga kalsada at tulay, riles ng tren, gusaling pampaaralan, pantalan at paliparan at sistema ng irigasyon. Hinihikayat natin ang mga tagapagplano ng ating gobyerno na isama sa programang pang-imprastruktura ang pag-iimbak ng saganang ulan, upang matuldukan na ang lagi na nating problema sa kakapusan ng tubig tuwing ganitong tag-init, at upang higit nating mapakinabangan ang ating mga likas yaman, na pinagpala at sagana naman ang ating bansa.