Nina ELENA L. ABEN at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Isa iyong “trap”.Ito ang reaksiyon ni Senator Antonio Trillanes IV sa pag-iimbita ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo at sa tatlong anak nito upang makasalo sa hapunan ang sariling pamilya ng presidente.
Sa isang pahayag, nagbabala si Trillanes, kilalang kritiko ng Pangulo, na ang dinner invitation “is a trap to disarm and politically neutralize her (Robredo)”.
Ito ay matapos na kuwestiyunin ng senador ang timing ng imbitasyon sa panahong “Duterte is facing the biggest political storm yet of his term as president.”
'SAME TACTIC'
Ayon kay Trillanes, ang imbitasyon ay “the same tactic Duterte used early on during his term wherein he belatedly offered a cabinet post to her (Robredo) then made fun of her through his misogynistic remarks about her legs and knees.”
Binanggit din ng senador na bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa loob ng limang buwan, si Robredo “wasn’t even given the latitude to appoint her own people within her department.”
“Then when it was politically convenient, Duterte unceremoniously kicked her out of he cabinet,” sabi pa ni Trillanes. “Now, he (Duterte) is at it again. Only the naive would be fooled.”
Sabado ng gabi nang sinegundahan ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang pagkumpirma ni Duterte sa report ng GMA News na personal nitong inimbitahan si Robredo at ang mga anak ng huli sa hapunan.
DESTAB PLOT NAPAG-USAPAN
Kuwento ni Duterte, nangyari ang imbitasyon nang magkatabi at mag-usap sila ni Robredo sa pagdalo nila sa graduation ceremony ng Philippine National Police Academy nitong Biyernes.
Nabanggit ng Pangulo na napag-usapan nila ang tungkol sa planong destabilisasyon na ayon sa kanyang mga kaalyado ay pakana ng Liberal Party, gayundin ang tungkol sa mga reklamong impeachment na kapwa nila kinahaharap.
“She (Robredo) mentioned about [the destabilization issues], sabi niya, ‘wala ako diyan, ha?” kuwento ni Duterte. “Sabi ko, ‘I believe you’ and sabi ko, ‘Leni, left and right kasi ang intriga but ako [hindi ako] kasali d’yan sa impeachment [moves].”
Matatandaang pagbalik sa bansa galing sa Myanmar at Thailand nitong Huwebes ay hinimok ng Pangulo ang kanyang mga kaalyado, tagasuporta at kritiko na tigilan na ang planong impeachment laban kay Robredo at sa kanya.