SA kabila ng nananalasang kahirapan, kagutuman at kawalang-trabaho ng karamihan sa 103 milyong populasyon ng Pilipinas, 14 na Pilipino ang kasama sa listahan ng Forbes 2017 Billionaires sa mundo. Kapiling nila sina Bill Gates ng Microsoft Corp. at Mark Zuckerberg, founder ng Facebook.

Si Gates pa rin ang nangunguna sa hanay ng mga bilyonaryo kaya siya ang pinakamayamang tao sa buong mundo sa pagkakaroon ng $86 billion networth. Sumunod ay sina Warren Buffet ($75.6 billion); Jeff Bezos, founder ng Amazon ($72,8 billion); Amancio Ortega, founder ng Spanish clothing chain Zara ($71.3 billion); at ikalima si Zuckerberg na may $56 billion. Mahigit anim na bilyon (6 billion) na ang populasyon ng mundo ngayon, pero kataka-takang kakaunti lang ang mayayamang sagana sa pera at busog ang sikmura habang namamatay sa gutom ang mga tao sa maraming bahagi ng Africa.

Batay sa mga report, ang mga Pilipino na karamihan ay may maiikling apelyido (Fil-Chinese) ay kinabibilangan nina Henry Sy (Networth: $12.7 billion); John Gokongwei ($5.8 billion); Lucio Tan ($3.7 billion); George Ty ($3.5 billion); Enrique Razon, Jr. ($3.4 billion); Tony Tan Caktiong ($3.4 billion); David Consunji ($3.1 billion); Andrew Tan ($2.5 billion); Roberto Coyuito ($1.5 billion); Manuel Villar ($1.5 billion); Ramon Ang ($1.4 billion); Eduardo Cojuangco, Jr. ($1.2 billion); Roberto Ongpin ($1.1 billion); Edgar Sia ($1 billion). Samakatuwid, mukhang si Manny Villar (isa sa mga kolumnista ng pahayagang ito) ang tunay at lantay na Pinoy sa listahan.

Kung laging kontra-pelo sa ilang usapin si Pres. Rodrigo Duterte at ang Simbahang Katoliko kaugnay ng giyera sa droga, extrajudicial killings (EJKs), human rights violations (HRVs), death penalty bill, nagkakasundo naman sila ngayon sa kontrobersiyal na isyu ng “same-sex marriage”. Masaya ang catholic bishops na binali ni Mano Digong ang kanyang campaign promise noon na susuportahan ang lehislasyon tungkol sa “gay union” o pagpapakasal ng may magkatulad na kasarian (sex).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Naniniwala ang machong Presidente na ayon kay columnist Mon Tulfo ay isang “ladies’ man”, na ang kasal ay para lang sa isang lalaki at isang babae. Sa kanyang talumpati sa Naypyitaw, Burma (Myanmar) kaugnay ng state visit sa bansa ni Aung San Suu Kyi, tahasang sinabi ni PDu30 na ang same-sex marriage ay hindi angkop sa ‘Pinas. Nagulat ang mga obispo sa turn-around ng Pangulo: “Very nice of Duterte. It is a ‘pogi’ point for our president,” bulalas ni Sorsogon Bishop Bastes.

Binanggit din ng mapagmurang Presidente na ang PH ay may Civil Code na nagsasaad na ang isang lalaki ay puwede lang ikasal sa isang babae, at ang isang babae ay puwede lang magpakasal sa isang lalaki. Hindi ubra ang kasal ng babae sa babae at lalaki sa lalaki. Tanong ng isang netizen: “Eh, sa administrasyon mo Mr. President, meron kang mga opisyal na sangkot sa same-sex marriage”. Siguro ay alam ninyo kung sino sila?

Suriin uli natin: Noong panahon ni... ex-PNoy, ang pinagdiskitahan niya nang husto ay si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Ngayon namang panahon ni PRRD, ang dinidikdik nang husto ay si Sen. Leila de Lima. Nang dahil sa reklamong impeachment laban kay VP Leni Robredo, nagduduwelo ngayon sina Senate Pres. Koko Pimentel at Sen. Kiko Pangilinan, pangulo ng Liberal Party.

Naasar si Sen. Kiko sa suhestiyon ni Sen. Koko na i-denounce ng LP ang grupong Magdalo Party-list sa paghahain ng impeachment complaint laban sa Pangulo upang patunayan na hindi sila sangkot sa pagpapatalsik sa kanya. Sinabi ni Kiko na inalisan sila (LP) ni Koko ng chairmanships sa mosyon ni Sen. Pacquiao dahil hindi sila pumabor sa linya ng administrasyon hinggil sa death penalty, EJKs, Marcos burial, Lascañas testimony, atbp. (Bert de Guzman)