DAVAO CITY – Tumagal lamang ng 11 buwan at 23 araw ang “indefinite closure” ng Mount Apo makaraang magpasa ng resolusyon ang Mt. Apo Natural Park-Protected Area Management Board (MANP-PANB) na bumabawi sa pagpapasara sa lugar, at magiging epektibo ito sa Abril 12, 2017.

Gayunman, kinukuwestiyon ng ilang environmentalist ang anila’y masyadong maagang pagbubukas muli ng Mt. Apo sa publiko.

Sinabi ni Chinkie Pelino-Golle, acting executive director ng Interface Development Interventions (IDIS), na tinututulan nila ang maagang pagbubukas muli ng Mt. Apo para sa mga mountaineer, dahil nangangailangan pa umano ng karagdagang panahon ng rehabilitasyon ang pinakamataas na bundok sa bansa.

“I think the tourism income is big but we have to ensure the rehabilitation and protection of the Mt Apo. Unsaon man ng income kung masamot kaguba ang protected area (Ano’ng gagawin natin sa kita natin kung mas masisira pa ang protected area na ito?),” ani Golle.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Marso 31, 2016 nang magpasa ng resolusyon ang MANP-PANB upang isara ang lahat ng anim na trail sa Kidapawan, Makilala, at Magpet sa North Cotabato; at sa Digos, Sta. Cruz, at Bansalan sa Davao del Sur, makaraang tatlong-linggong masunog ng buwang iyon ang malaking bahagi ng bundok na nagsimula sa tuktok nito, at kasamang naabo ang ilang siglo nang mga puno.

“Puwede siya i-close for rehab and research and then ‘pag maka-recover na we'll see after (minimum) two or three years kung puwede siya i-open, pero dapat limited na lang ang pasudlon (hikers),” sabi ni Golle.

Sinabi naman ni Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 11 Director Ruth Tawantawan na ang mga katutubong Lumad ang nagpasyang muling buksan sa turista ang Mt. Apo. (Antonio L. Colina IV)