Ilang araw bago matapos ang Fire Prevention Month, hindi nakaligtas sa sunog ang isang pabrika ng pintura sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ni Muntinlupa Fire Department F/Supt. Gilbert Dulot, dakong 7:28 ng umaga sumiklab ang apoy sa warehouse ng CDI Sakada Inx Corporation, sa Don Jesus Boulevard, Alabang ng nasabing lungsod.
Pagpatak ng 7:41 ng umaga, dahil sa mabilis na paglaki ng apoy, umabot sa ikatlong alarma ang sunog.
Dali-daling rumesponde ang mga bumbero na gumamit din ng kemikal sa pag-apula ng apoy at idineklarang under control bandang 8:25 ng umaga.
Walang iniulat na nasaktan o namatay sa insidente habang patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog, pati na ang kabuuang halaga ng ari-ariang natupok.
Samantala, dakong 2:39 ng hapon, sumiklab naman ang apoy sa isang residential area sa nasabi ring lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Fire Department, nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Ilaya Street, Alabang.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago idineklarang under control, bandang 4:00 ng hapon.
Habang isinusulat ang balitang ito, inaalam pa ng awtoridad ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng ari-ariang napinsala. (Bella Gamotea)