HINDI itinanggi, pero ayaw din namang kumpirmahin ng tinanong naming taga-Star Magic, ang naulinigan naming usap-usapan tungkol sa mga alaga nilang sina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban.
Muli na naman kasing kumakalat ang dati nang isyu last year na nagkabalikan ang dalawa. Magkasintahan na raw uli sina Angelica at John Lloyd.
May source kami na nagkuwento sa amin na madalas magkasama ngayon sina Lloydie at Angelica. Galing sa isa pang source, nakarating din sa amin na may nakakita sa dalawa sa isang dressing room ng ABS-CBN na seryosohang nag-uusap.
Dagdag pa rin ng source namin, sa birthday party na ibinigay ni Angelica sa kaibigang si Julia Montes, magkasabay daw na dumating at magkasabay ding umalis sina Angelica at John Lloyd.
Magkasama kasi sina Angelica at Julia sa malapit nang mapanood na Victims of Love sa Kapamilya Network.
May nakapagsabi rin sa amin na kaya raw laging maganda ngayon ang mood ni Angelica sa taping ng bago nilang serye dahil madalas nitong nakakausap ang dating(?) boyfriend.
Pero nakatikom ang bibig ng isa sa Star Magic staff na kinukulit namin. Kahit daw may mga nakikita sila ay “no comment” lang ang masasabi nila. May instructions daw kasi sa kanila ang management ng Star Magic hinggil sa ganitong isyu sa mga alaga nila.
“Mas makakabuting ang dalawa na lang ang tanungin ninyo,” matipid na sabi ng kausap namin.
Samantala, ibinahagi ng kaibigan ni Angelica sa Instagram ang masasayang sandali o “sweet moment” nina Angelica at John Lloyd. (JIMI ESCALA)