SAN JUAN, Batangas – Namatay sa pagamutan ang isang lalaki na umano'y may kapansanan sa pag-iisip matapos tumalon mula sa tower ng isang telecommunications company sa San Juan, Batangas.
Hindi pa nakikilala ang biktimang walang saplot, nasa 40 ang edad, may taas na 5’4”, kayumanggi at payat.
Ayon sa report ni PO2 King Edgar Mabazza, dakong 7:30 ng umaga nitong Biyernes nang maalarma ang mga awtoridad sa pag-akyat at pagtalon ng lalaki sa tower sa Barangay Poblacion.
Ipinalibing na ng pamahalaang bayan ang lalaki sa San Juan Public Cemetery nitong Sabado.
Iniimbitahan naman ng pulisya ang mga kaanak ng lalaki na magtungo sa himpilan ng San Juan Police upang kilalanin ang biktima sa mga litrato nito. (Lyka Manalo)