Ni Jun Ramirez
Hindi ang business tycoon na si Henry Sy, kinilala ng Forbes magazine bilang pinakamayamang Pilipino, ang nangungunang individual taxpayer sa bansa, paglilinaw ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
At mas lalong hindi ang 13 iba pang bilyonaryong Pinoy na nakapasok sa listahan ng pinakamayayaman sa mundo.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal ng kawanihan na hindi ibig sabihin nito na hindi nagbabayad ng tamang buwis ang pinakamayayamang Pinoy.
Katunayan, ang mga bigating negosyanteng ito ang nagbabayad ng mas malaki ngunit hindi na ito ipinakikita sa income tax return (ITR).
Ipinahayag ito ng mga opisyal ng BIR upang itama ang iniisip ng mga ordinaryong mamamayan na hindi binubuwisan ang mayayaman at sikat na negosyante.
“What is covered by the ITR are salaries and allowances received by the businessmen from companies they owned,” ayon sa isang opisyal ng BIR.
Si Sy, na pinakamayamang Pilipino sa net worth na $12.7 billion, ay ika-50 sa 2014 list ng top 500 individual taxpayers.
Nagbayad siya ng P26.2 milyon tax, o mas mababa ng P200,000 sa ibinayad ni Piolo Pascual sa nasabi ring taon.
Ang ikalawa sa pinakamayamang Pilipino, ayon sa Forbes magazine, na si John Gokongwei — na nagmamay-ari ng JG Summit — ay ika-159 sa BIR list sa binayarang P14.3 milyon.
Si Lucio Tan, na may net worth na $3.7 billion, ay ika-130 sa BIR list na nagbayad naman ng P16.2 milyon.