LONG BEACH, Calif. (AP) — Pumanaw na ang California podiatrist na nagtala ng kasaysayansa basketball bilang ‘free throw king’ sa edad na 94.
Umukit ng kasaysayan si Dr. Tom Amberry ng Long Beach, California nang maisalpak ang 2,750 magkakasunod na free throw sa loob ng 12 oras. Ayon sa kanyang apo na si Roxanne Amberry, pumanaw ang tanyag niyang lolo nitong Marso 18.Nalagay sa libro ng Guinness World Records si Ambeery noong 1993 matapos magawa ang pambihirang husay na ayon sa kanya ay nahigitan pa niya kung hindi siya itinaboy ng janitor palabas ng gym sa Orange County.
“I could have made more — a lot more,” pahayag ni Amberry sa panayam noon ng Los Angeles Times. “But they were closing the gym, so they kicked me out.”
Ipinanganak sa Grand Forks, North Dakota, naglaro si Amberry ng basketball sa University of North Dakota at sa Long Beach City College, kung saan pinangalanan siyang Junior College Player of the Year.
Kinuha siya ng Minneapolis Lakers, ngunit tumaggi siya at pumasok sa podiatry school. Nagbukas siya ng kanyang clinics sa Long Beach noong 1951.
Naging hobby ni Amberry ang basketball nang magretiro noong 1991 at bumabato siya ng 500 free throw araw-araw sa athletic club sa Seal Beach maliban sa araw ng Linggo.
Nakapagbuslo siya ng 500 sunod na free throw sa 473 pagkakataon, batay sa kanyang personal na record.
“A free throw takes six seconds, and you can’t think of anything else during those six seconds,” paliwanag niya sa Sports Illustrated noong 1994.
Naglimbag din siya ng libro na may titulong “Free Throw: 7 Steps to Success at the Free Throw Line” na naging mabenta sa mga coach sa high school hanggang sa NBA.
Naulila ni Amberry ang kanyang anak na sina Bill, Tom at Robert, 12 grandchildren at 11 great grandchildren.