BAGAMAT parehong patula nasusulat ang Pasyong Pilapil at ang Pasyon na isinulat ni Padre Aniceto de la Merced, ang pagkakasulat nila’y may malaking pagkakaiba. Sinasabing ang Pasyong De la Merced ay mataas na uri; taglay ang dalawang malaking bahagi maging sa paraan ng pagkakasulat. Ang bawat taludtod sa unang bahagi ay nasusulat sa lalabindalwahing pantig (12 syllable). Ang ikalawang bahagi ay nasusulat sa wawaluhing pantig (8 syllable). Narito ang halimbawa ng unang bahagi: “Ang Diyos ay Diyos kapagkaraka na,/ Kapagkaraka na ay Tatlong Persona,/ Sa Persona’y walang nahuli’y nauna,/Sapagkat ang tatlo ay Diyos na isa”.

Narito naman ang halimbawa ng ikalawang bahagi: “O, poon ko’t Amang Diyos/Katamis-tamisng Jesus/ Iyo pong ipagkaloob/ Na mamatamisin kong lubos/Ang sa akin ay pag-ayop.”

Binubuo naman ng walong pantig ang bawat taludtod ng Pasyong Pilapil at limang taludtod sa bawat saknong (stanza). Sa panimula ng Pasyon ay may tatlong saknong na dasal sa Diyos at mahabang patulang dasal sa Mahal na Birhen. Narito ang halimbawa: “Na kung sa bilang ng tao, /Una ang Amang totoo,/ Ikalawa ay ang Brbo,/At ang Personang ikatlo,/Diyos Espiritu Santo”.

Sa pagtatapos ng bawat kabanata ng Pasyong Pilapil ay may patula ring ARAL na hinango sa kabanatang binasa. Ang ARAL ay binubuo ng ilang saknong alinsunod sa minarapat ng sumulat ng Pasyon. Ang mga aral ay patungkol sa mga anak at sa mga magulang, sa mga magkakaibigan at magkaaway, sa lahat ng mga nakalilimot sa kagandahang-asal, kabutihan at iba pang bagay na may kaugnayan sa moralidad at buhay-Kristiyano. Ilang halimbawa ay ang mga sumusunod: “Ikaw anak na suwail/ Walang munti mang pagtingin,/ Sa ama’t inang nag-angkin,/ kung uusan ka marahil/ Dumadabog, umaangil.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

‘Kahima’t tadtarin mo/Ang laman mo’t sampung buto/ ‘Di pa sukat ibayad mo/ Sa mga hirap sa iyo.”

Ang pagbasa ng Pasyon ay naaayon sa kaugalian ng mga liping ating kapuluan noong araw. Ang mga liping ito ay nagsisiawit ng mga alamat at ng buhay ng mga dakilang bayani, tulad ng “Darangan” ng mga Moro”; “Maragtas” ng mga Bisaya; “Ibalon” ng mga Bikolano; at ‘Biag ni Lam-ang” (Buhay ni Lam-ang) ng mga Ilukano. Kaya, hindi kataka-takang sa pagpasok at pagtubo ng binhi ng Kristiyanismo sa ating bansa, ang buhay at pagdurusa ng Panginoong Jesukristo ay masulat sa awitin sa panahon ng Kuwaresma.

Sa panahon ng ating mga ninuno tuwing Mahal na Araw, ang Pasyon ay... malakas na inaawit sa halos lahat ng tahanan sa malalayong baryo o barangay at lalawigang Tagalog at nang lumaon ay maging sa Maynila. Ang pag-awit o pagbasa ay karaniwang nagtatagal ng dalawa hanggang apat na araw at gabi. Ang tono o himig ay naaayon sa pook at lalawigan.

May nagsasabing ang himig sa pagbasa ng Pasyon ay hango sa isa sa mga matandang uri ng awiting Pilipino na kung tawagin ay TAGULAYLAY. Ang Tagulaylay ay isang mahabang pagsusunud-sunod ng halos iisang himig-panaghoy na naglalarawan ng pamimighati sa isang kalunus-lunos na pangyayari. Karaniwan itong inaawit nang isahan at walang sumasaliw. (Clemen Bautista)