Nanatiling nangingibabaw ang Adamson University sa pagtatapos ng UAAP Season 79 softball tournament matapos walisin ang best-of-three finals series nila ng University of Santo Tomas sa pamamagitan ng 3-1, panalo sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Ang titulo ang ikapitong sunod ng Lady Falcons at kanilang ika-16 na pangkalahatang kampeonato.

Sa kabila ng pagkawala ng kanilang ace pitcher na si Mary Ann Antolihao sanhi ng ACL injury,naging mabigat pa ring kalaban ang Tigresses para sa Adamson sa pamumuno ni Mallows Garde.

Gayunman, hindi natinag ang katatagang ipinakita ng Lady Falcons dala na rin sa kanilang malawak na karanasan bilang kampeon sa nagdaang anim na taon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Fighter yang UST. Nakita ninyo naman from last year, dikit din yan, na-force pa sa Game 3,” wika ni Adamson University coach Ana Santiago. “If you want to win, you don’t want to rely on one person. Dapat mag-rely kayo as a whole. Yun ang ini-explain ko sa mga players.”

Pinangunahan ni Angelie Ursabia ang Lady Falcons sa kanyang final year na naging susi upang tanghalin siyang season MVP bukod pa sa karangalan bilang Best Slugger at Most Homeruns.

Nagwagi naman ang kakamping si Lyca Basa na naka-struck out ng walong batters sa series-clinching win, bilang Finals MVP.

Ang iba pang mga awardees ay sina Flor Pabiania, (Most RBIs) at Krisha Cantor (Most Stolen Bases). (Marivic Awitan)