Naitala ng National University ang kanilang ikasiyam na sunod na panalo at kasabay nito ay inangkin din nila ang ikalawang semifinals twice-to-beat advantage sa men’s division kasunod ng kanilang panalo kontra De La Salle University, 25-23, 19-25, 25-15, 20-25, 16-14, kahapon sa UAAP Season 79 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagtala ng 21-puntos si Bryan Bagunas na kinabibilangan ng 18 kills at 3 aces upang pangunahang ang nasabing panalo ng Bulldogs na nag-angat sa kanila sa markang 11-1, panalo-talo kasunod ng defending champion Ateneo na wala pang talo matapos ang 11 laro.

Kahit pa mawalis nang tuluyan ng Blue Eagles ang elimination round na direktang magpapasok sa kanila sa finals , mananatili pa rin ang nakamit na twice-to-beat na bentahe ng NU kahit maging stepladder semifinals ang laban.

Bunga ng kabiguan, bumagsak naman ang Green Spikers na pinamunuan nina Arjay Onia at Chris Dumago na may 14 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod sa markang 4-7 (panalo-talo) na nagpahina ng kanilang tsansang umabot ng susunod na round.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa isa pang laro na umabot din ng limang sets, pinadapa ng University of Santo Tomas ang University of the Philippines, 25-21, 25-21, 20-25, 18-25, 15-11 upang makatabla sa kanilang biktima sa ika-4 na puwesto hawak ang markang 5-6, panalo-talo.

“Panglimang fifth set na naming ito. Sabi nga nila character building para sa amin ang five setters,” pahayag ni UST coach Odjie Mamon.

Nanguna para sa nasabing panalo si Jerick Jose na may 22 puntos kasunod sina Manuel Medina at Arnold Bautista na nagtala ng 15 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod. (Marivic Awitan)